KUMBINSIDO si Senador Alan Peter Cayetano na pagbibigyan ng International Criminal Court (ICC) ang hirit na pansamantalang kalayaan ni former President Rodrigo Duterte kung ang gobyerno mismo ang pormal na hihiling sa pandaigdigang husgado.
Sa isang pahayag, hinikayat ni Cayetano ang mga kapwa mambabatas na pagtibayin ang resolusyon na nagtutulak sa pamahalaan ng Pilipinas na pakiusapan ang ICC na pahintulutan ang dating pangulo na manatili na lang muna sa embahada ng Pilipinas sa The Netherlands.
Apat na buwan nang nasa kustodiya ng ICC si Duterte matapos siyang arestuhin ng Interspol sa bisa ng mandamiento de arresto kaugnay kasong crimes against humanity at agad dinala sa The Hague, Netherlands.
Sa ilalim ng nasabing resolusyon, target na Cayetano hikayatin ang Senado bilang isang institusyon na kumbinsihin ang pamahalaan makipag-ugnayan sa ICC para sa interim release ng 80-anyos na dating pangulo, alinsunod sa “humanitarian considerations.”
Binibigyang diin nito na ayon sa batas ng Pilipinas at maging internasyonal, ang dating Pangulo ay dapat na bigyan ng karapatang ipalagay na inosente hanggang napatunayang siya ay may sala.
“To grant this for the former President would be beneficial to his health, all while presenting no risk to the integrity of the ongoing trial,” saad sa isang bahagi ng resolusyon.
Gayunpaman, nilinaw ng senador na kailangan sundin ni Duterte ang anumang kondisyones ng ICC Pre-Trial Chamber, tulad ng mga limitasyon sa paggalaw, pananatili sa isang partikular na tirahan, pagbabawal makipag-ugnayan sa mga biktima o saksi, at pagsunod sa mga paanyaya ng korte.
Binanggit din sa resolusyon ang lumalalang kalusugan ni Duterte, na iniuugnay sa kanyang katandaan at matagal na pag-iisa. Babala nito, maaaring lubhang naapektuhan ang kanyang pisikal at emosyonal na kalagayan kung mananatili siya sa kulungan.
Sa pagtukoy sa kulturang Pilipino, sinabi rin nito na “bahagi ng ating pagka-Pilipino ang pagmamalasakit sa kapwa, lalo na sa mga matatanda.”
Kahit aniya kumalas na ang Pilipinas sa Rome Statute, pwede na rin naman umano makipagsundo ang gobyerno sa ICC sa pamamagitan ng embahada sa The Hague para sa mga kondisyon ng pansamantalang pagkakaaresto. Sa ganung paraan aniya, matitiyak ang makataong pagtrato sa dating Pangulo sa pamamagitan ng pagkupkop sa kanya ng embahada.
Binanggit din dito ang naging kaso sa ICC noong 2009 at ang pagbibigay ng pansamantalang paglaya kay Congolese rebel Jean-Pierre Bemba Gombo. Nakalaya si Gombo noon habang hinihintay ang pinal na desisyon sa kanyang sentensiya kaugnay ng isang kaugnay na kaso.
PAnawagan ni Cayetano kay Marcos, ipagkaloob ang parehong pagkilala at paggalang sa dating Pangulo, tulad ng konsiderasyong ibinigay sa mga kilalang personalidad gaya ni Senadora Leila De Lima, na pinayagang ipagpatuloy ang kanyang tungkulin habang nakakulong.
“The least the Philippines could do for its former leader is to advocate for his release and make the necessary arrangements to accommodate him,” sabi pa ng resolusyon.
“Marapat lamang na kumilos ang ating gobyerno sa lalong madaling panahon habang hindi pa huli ang lahat dahil ‘ika nga: nasa huli ang pagsisisi,” dagdag pa ng panukala. (ESTONG REYES)
