Ni ESTONG REYES
MASUSING pinag-aaralan ng mga mambabatas ang posibilidad na ipatawag sa pagdinig ng Senado si dating Pangulong Rodrigo Duterte kung lilitaw sa testimonya at ebidensya na pasok ang dating punong ehekutibo sa anumang meron si Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Gayunpaman, nilinaw ni Senador Risa Hontiveros sa isang pulong-balitaan na wala pang pasya ang mga mambabatas na kasapi ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
“Hindi pa namin na-desisyunan tawagin si Duterte para mag-resource person kahit pagkatapos ng testimonya ni alyas Rene tungkol doon sa mga sako ng iba’t ibang klase ng baril, nung siya at si VP ngayon ay dumalaw doon sa mountain ni Quiboloy,” pahayag ni Hontiveros sa isang pulong balitaan kamakailan.
Lumutang kamakailan ang pangalan ng mag-amang Duterte nang ikanta ng isang testigo ang di umano’y pagbisita sa Glory Mountain na pag-aari ni Quiboloy. Kwento pa ng testigo, bitbit na di umano palabas ng mga tauhan ni Duterte ang sako-sako ng armas.
“Kung may lumabas pang testimonya, halimbawa nga doon sa usapin ng money matters, business matters ni Quiboloy, na kakailanganing imbitahan din siya para magtestimonya, then gagawin po namin iyon,” aniya pa.
Una nang naglabas ng pahayag ang KOJC hinggil sa paghirang sa dating Pangulo bilang administrador ng yaman at pag-aari ng kontrobersyal na pastor.
