HABANG lumalakas ang ingay sa politika, tinawag na walang saysay ng isang lider-sibiko ang mga paratang ng dating mambabatas na pangunahing sangkot sa flood control scandal.
Para kay Chairman Emeritus Jose Antonio Goitia, malinaw na walang ebidensyang direktang nag-uugnay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa sinasabing P100 bilyong insertion.
Ang mga dokumentong ipinakita ni Co ay karaniwan aniyang listahan ng proyekto at pondo sa pambansang budget, ngunit walang anumang pahiwatig o utos mula sa Malacanang na nagsasabing idinagdag ang mga ito ayon sa kagustuhan ng Pangulo.
Sa gitna ng mga ispekulasyon, binigyang-diin ni Goitia na katotohanan at ebidensya ang dapat pagbatayan ng publiko.
Konteksto Sa Paglalantad
May isang national security assessment ang nag-ulat na ang timing ng pahayag ni Co ay sumasabay sa mga planong kilos-protesta ng ilang grupong kritikal sa administrasyon.
Ayon sa mga analyst, posibleng bahagi ng mas malawak na pagtatangka na guluhin ang pamahalaan sa pamamagitan ang pagbuo ng mga nakaliligaw na naratibo laban sa Pangulo at gobyerno.
Bagamat hindi inaakusahan ang sinuman ng ilegal na gawain, pinaaalalahanan ni Goitia ang publiko na manatiling mapanuri at nakabatay sa totoong datos, hindi sa ingay o walang batayang mga akusasyon.
Uwi Muna Sa Pinas
Sa halip na humarap sa Senado o magbigay ng sinumpaang salaysay, piniling sa ibang bansa ilabas ni Co ang kanyang mga akusasyon — dahilan upang umusbong ang seryosong pagdududa sa kanyang layunin.
Sabi ni Goitia — “Kung ang intensyon ay magsabi ng totoo, dapat itong gawin sa ilalim ng panunumpa, hindi kung saan-saan. May mga institusyon tayong nakahanda upang tiyakin na patas at malinaw na masusuri ang anumang alegasyon.”
Ang mga pahayag na inilalabas nang hindi hinaharap ang mga tanong o imbestigasyon ay nag-iiwan ng mas maraming katanungan, lalo na’t gumagana ang lahat ng legal na proseso rito sa Pilipinas.
Veto Ng Pangulo
Itinuro rin ni Goitia ang isang malinaw na rekord na sumasalungat sa mga akusasyon ni Co:
Ang pag-Veto ni Pangulong Marcos Jr. sa P194 bilyon na item sa 2025 national budget.
Ayon kay Goitia: “Ang pag-veto ng halos P200 bilyong budget item ay malinaw na nagpapakita na hindi pinoprotektahan ng Pangulo ang anumang kuwestiyonableng insertion.”
“Ipinapakita lamang nito na ang Pangulo ay nagtatanggal ng mga item na may duda, hindi nagdaragdag ng mga ito.”
“Dahil dito, malinaw na walang basehan ang paratang na lihim siyang naglalagay ng anumang iregular na alokasyon.”
Sinungaling Si Co
Binigyang-diin pa ni Goitia ang mga hindi tugma sa salaysay ni Co — isa na rito ay mismong si Pangulong Marcos Jr. ang naglantad ng mga iregularidad sa flood control projects at nag-utos ng mas malalim na imbestigasyon.
Aniya, “Kung talaga ngang sangkot ang Pangulo sa sinasabing anomalya, bakit siya mismo ang maglalantad nito?”
“Sino ba ang maglalantad ng sarili niyang umano’y pagkakamali?”
Ipinapakita lamang aniya nito ang kakulangan ng basehan at pundasyon sa mga pahayag ni Co.
Umuusad Ang Reporma
Binanggit din ni Goitia na patuloy na pinapalakas ng administrasyon ang transparency at accountability sa pamahalaan.
“Ang nakikita ko ay isang pamahalaang pinapalakas ang checks and balances, hindi pinahihina ang mga ito.”
“Hindi mo maaaring pekein ang reporma sa institusyon. Maisasagawa mo lamang ito kung tapat kang nakatuon sa pag-aayos ng sistema.”
Pruweba, Hindi Dada
Maaring magbukas ng diskusyon ang mga pahayag ni Co — ngunit hindi sapat ang diskusyon upang maging ebidensya.
Ang listahan ay hindi direktiba. Ang mga alegasyon ay hindi katotohanan.
At ayon pa kay Goitia: “Hindi nagtatago ang katotohanan sa mga inedit na video o sa mga pahayag na pinipili lamang kung kailan ilalabas. Nararapat itong ilahad nang lantaran, sinumpaan, at iharap sa mga institusyon ng ating Republika.”
Katotohanan Lamang
Ang mamamayan ay nararapat sa talakayang nakabatay sa nasusuri at napatutunayang impormasyon, hindi sa mga pahayag na inilalabas mula sa ibayong dagat o sa mga pagkakataon na halatang ginagamit upang manipulahin ang pulso ng publiko.
At gaya ng paalala ni Goitia, katotohanan ang dapat manaig, hindi ingay.
Sa gitna ng lahat, nananatiling nakasandig ang administrasyong Marcos sa responsableng pamamahala, transparency, at mga programang may tunay na ambag sa ikabubuti ng bansa.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay kinikilala bilang Chairman Emeritus ng apat na makabayang at sibikong organisasyon kabilang ang Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.
