SA halip na dagdagan ang pondo, tinapyasan pa ng pamahalaan ang alokasyon sa technical-vocational education — sukdulang maapektuhan ang mga Tech-Voc scholars sa Renaissance School of Science and Technology (RSST) sa bayan ng Morong sa lalawigan ng Rizal.
Panawagan ng hindi bababa sa 900 mag-aaral kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tugunan ang pangangailangan ng mga kabataang tanging hangad ay magandang kinabukasan.
Partikular na tinukoy ng mga estudyante ang pagbabawas ng alokasyon mula sa Technical Education Skills and Development Administration (TESDA).
Ang RSST ang katuwang ng lokal na pamahalaan ng Morong sa implementasyon ng libreng edukasyon ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan, na absorptive capacity ng 1,400.
Sa kasalukuyang taon, hindi bababa sa 2,000 kabataan (mas mataas ng 25 percent kumpara sa nakalipas na taon) ang nag-apply para sa three-year diploma course.
Gayunpaman, naglaan lang ng pondo para sa 250 slots. Sa datos ng lokal na pamahalaan, papalo sa 1,100 deserving students ang mawawalan ng oportunidad na makapag patuloy ng pag-aaral.
Pag-amin ni RSST Chairman Cathy Guiyangco Curtis, ang institusyon ang nagdurusa sa araw-araw na batikos ng mga magulang at mag-aaral na patuloy na umaasa sa libreng edukasyon ng pamahalaan.
“Araw araw po kaming pinupuntahan, tinatawagan o pinadalhan ng mensahe ng mga magulang at estudyante para sa scholarship, kaya lang wala kaming magawa dahil 250 nga lamang ang ibinigay na alokasyon,” ayon kay Chairwoman Curtis.
“Sa kasalukuyan, willing naman kami na i-cater ang kahit 100 estudyante pero hindi namin maibibigay ang full scholarship dahil masyadong malaki ang gastos na aabutin ng 33 million, kaya sasagutin ng estudyante ang laboratory at ibang gastusin, kaya lang, paano naman ang mahigit pa sa 900 na matitigil sa kanilang pag-aaral,” ayon pa kay Curtis.
Sa nakalipas na taon, ang alokasyon ng pamahalaan sa RSST ay mahigit sa 1,000 subalit binigyan lamang ngayon nang TESDA ng alokasyon na 250.
Panawagan ng mga magulang, mag-aaral at maging ng RSST kay Pangulong Marcos — maglabas ng kautusan para hindi mahinto sa pag-aaral ang mga kabataang umaasa sa libreng edukasyon ng pamahalaan. (EDWIN MORENO)
