WALANG dahilan para magkubli sa publiko si dating Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) Undersecretary Adrian Bersamin kung walang itinatago.
Ito ang giit ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio kasabay ng panawagan kay Bersamin na tuldukan ang pananahimik kaugnay ng di umano’y screenshots sa umano’y palitan ng text messages nila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng pagtanggap ng ‘komisyon’ sa mga maanomalyang proyekto.
“Ilang araw nang nasa balita ang pangalan niya, ngunit kahit isang salita, wala tayong narinig sa kanya,” wika ni Tinio.
“Again, hinahamon ko si Usec. Adrian Bersamin, magsalita ka. So kung gusto mong i-deny, you’re very welcome to deny. Nag-aantay po ang publiko. Basta nakita ko ang nakita ko, at tingin ko may kailangan kang ipaliwanag. So please explain to the public,” dagdag ng militanteng kongresista.
Palaisipan rin aniya ang kabiguan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Senate Blue Ribbon committee na ipatawag si Bersamin matapos lumutang ang sinasabing ebidensyang magdidiin sa pangulo sa flood control scandal.
“Dinededma lang siya. Indikasyon ito para sa akin, na kailangang imbestigahan talaga siya at mukhang pinoprotektahan,” aniya pa.
“Susi ang papel niya… between the kickbacks and the President… Pero pansinin natin sa anumang imbestigasyon, whether sa Blue Ribbon, sa Ombudsman, sa ICI, hindi talaga siya pinapaharap.”
Pag-amin ni Tinio, si Batangas Rep. Leandro Legarda Leviste mismo ang nagpakita sa kanya ng umano’y palitan ng mensahe ni Marcos at Bersamin.
Una nang napaulat ang pagpunta ni Bersamin sa bahay ni Leviste sa Taal, Batangas, para gumawa ng affidavit noong kasagsagan ng imbestigasyon sa flood control controversy.
“Cong. Leviste approached me and asked for a meeting… the day before we filed the complaint (impeachment complaint against Marcos)… tapos pinakita niya… So that was the first time. Tapos after that, noong nagkaroon na ng boto sa Justice Committee na ‘yung insufficient in substance, tumawag ulit at nag-request na mag-imbita pa ng iba… Diyan na na-involve si Cong. (Edgar) Erice at iba pa,” kuwento ni Tinio.
“Tapos, several meetings after that, nag-uusap na ilalabas niya bago magkaroon ng plenary deliberation on the Committee Report. Kaya lang, at the very last minute, umatras. Bakit umatras? Ang dahilan na binabanggit niya ay concerned siya kay Usec. Bersamin, at mas gugustuhin na lang daw niya na kusang ilabas ni Usec. Bersamin,” dagdag pa ni Tinio.
Una nang tinabla ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, chairman ng Blue Ribbon Committee, ang mungkahing senate inquiry sa umano’y palitan ng text message nina Bersamin at Pangulong Marcos — maliban kung kusang haharap ang dating Palace official sa komite para magsusumite ng affidavit.
