
PARA sa mga militanteng kongresista sa Kamara, hindi angkop ipagkait sa publiko ang bawat yugto sa pagdinig ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na nilikha ng Pangulo para kalkalin ang malawakang katiwalian sa pamahalaan.
Panawagan ni Akbayan partylist Rep. Perci Cendaña, buksan sa publiko ang isinasagawang pagdinig ng ICI sa mga sumambulat na korapsyon,
Aniya, walang tunay na accountability kung walang transparency, kasabay ng giit sa “karapatan ng taumbayan na ninakawan ng bilyon-bilyon na mapanood ang proceeding ng ICI.”
“Kaya nga may naganap na pangungulimbat dahil hindi transparent ang proseso mula sa bicam hanggang sa project implementation. Pati ba naman sa investigation walang transparency?,” paliwanag ng partylist solon.
Aniya, higit na angkop ganap na maging batas ang House Bill 4453 (Independent Commission for Infrastructure Bill) na magbibigay-daan sa mandatory public hearings with live streaming.
Sa panig ni House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima, nanawagan siya sa ICI na irekonsidera ang nauna nitong desisyon na huwag i-livestream ang pagdinig ng komisyon kontra korapsyon.
“This is very disappointing and frustrating—a body with limited powers to investigate anomalous flood control projects, and which is merely a recommendatory board, is not fully accessible to the public,” ani De Lima.
“When everyone is fully engaged on the issue of corruption as revealed by the Congressional hearings, here comes ICI denying what the public wants. Saang banda ang transparency dun?,” dugtong ng lady solon.
Sinabi ni De Lima na dapat maging bukas ang ICI probe bilang tugon sa panawagan magkaroon ng full transparency para manumbalik ang tiwala ang taumbayan.
“Paano natin malalaman kung tumutugma ang mga detalyeng nakalap ng mga naunang hearings sa Kongreso sa ICI kung hindi nila isasapubliko ang mga hearings? Paano mapapanatag ang mga Pilipino na walang pinagtatakpan at walang pinoprotektahan ang imbestigasyon nila?”
“People are watching. Sa mga hearing na ito, hindi lang sa mga akusado nakatutok ang taumbayan, kundi pati na rin sa mga nag-iimbestiga—kung tapat at epektibo ba nilang ginagampanan ang kanilang tungkulin,” aniya pa.
“The people’s trust in our government is at stake. Mahiya naman tayo sa mga Pilipino. Ninakawan na nga ng trilyong piso, pagkakaitan pa ba sila ng buong katotohanan?,” pagtatapos ng kongresista. (ROMER R. BUTUYAN)