MAHIGPIT na pinabulaanan ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson ang mga alegasyon sa P17.9-bilyong “Senate pork barrel fund” sa panukalang 2025 national budget.
Sa isang pahayag, nilinaw ni Lacson na inilaan ang naturang pondo para dagdagan ang subsistence allowance ng uniformed personnel.
Hindi rin pinalampas ni Lacson si ACT Rep. Antonio Tinio sa malisyosong paratang — kung hindi man trabahong tamad.
“The Senate pork referred to by Rep. Tinio are actually realignments to increase the subsistence allowance of the uniformed personnel from the Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology and Bureau of Fire Protection and also the Philippine Coast Guard,” giit pa ni Lacson.
“Rep. Tinio is either too lazy to do his research, or he is malevolently destabilizing the Senate to take the heat off the House of Representatives,” dagdag niya.
Noong Linggo, iginiit ni Lacson na hindi niya pipirmahan para ratipikahin ang bicam report sa 2026 budget bill hangga’t hindi naitutuwid ang mga probisyon na nagbibigay ng malaking pondo sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) at sa posibleng anomalya sa farm-to-market roads. Hiniling ng House contingent na palakihin ang badyet ng MAIFIP sa P51 billion.
Paratang naman ni Tinio noong Martes na may umano’y P17.9-bilyong “LGU pork” sa bersyon ng Senado ng 2026 General Appropriations Bill (GAB).
Ani Tinio, may malaking kaltas umano ang bersyon ng Senado sa mga benepisyo ng mga rank-and-file na kawani ng gobyerno, na inilipat umano sa “discretionary pork barrel funds for Local Government Units (LGUs).”
“Gusto kong i-clarify mali ang sinasabi niya. Ang line na kinuha sa MPBF o Miscellaneous Personnel Benefits Fund, realign talaga yan pero sa additional subsistence allowance ng uniformed personnel,” tugon dito Lacson sa panayam sa DZBB.
Dagdag ni Lacson, ang naturang hakbang ay isang institutional amendment kung saan hindi makikinabang ang proponent.
Inulit ni Lacson ang panawagan sa media at sa publiko na manatiling mapagmatyag upang maiwasan ang mga manipulasyon sa panukalang badyet—lalo na ngayong naka-livestream ang mga pagdinig ng bicameral conference committee.
Aniya, dapat panatilihin ang pressure sa mga mambabatas upang hindi ipilit ang pagpopondo sa mga kuwestiyunableng programa, partikular yaong may kinalaman sa political patronage.
“All our (Senate) amendments are institutional and openly proposed on the Senate floor during the period of individual amendments,” aniya.
“Everything was transcribed and is now part of the Senate records for all future generations of senators to see.” (ESTONG REYES)
