TALIWAS sa pangakong trabaho ng Pangulo sa tuwing bumabyahe sa ibang bansa, mas dumami pa ang bilang ng mga walang hanapbuhay, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon sa PSA, tumaas noong buwan ng Marso ng kasalukuyang taon sa 3.9% (katumbas ng 2 milyon) ang mga Pilipinong pasok sa kategorya ng unemployed sa hanay ng mga edad 15-anyos pataas.
Nasa 49.15 milyon naman ang may trabaho – mas mataas kumpara sa 48.5 milyon na naitala noong Marso ng nakaraang taon.
Batay sa datos ng PSA, pinakamarami ang nawalan ng trabaho mula sa sektor ng agrikultura, transportasyon, storage, construction, support services, healthcare at social work.
Sa isang pulong balitaan, sinisi naman ni PSA Statistician Claire Dennis Mapa ang pagdami ng bilang ng mga unemployed sa pagbaba ng produksyon bunsod ng El Niño.
“Ang isa sa malaking naapektuhan in terms of employment ay yung agriculture sector, kasama na rin yung fisheries… Ito ay talagang related to planting, harvesting, growing,” sambit ni Mapa.
“In the past, talagang may ganon kasi related ito doon sa production naman so syempre pag bumababa, yung ating operators ay nagbabawas din ng workers,” dugtong pa niya.
Bukod sa El Niño, isa rin aniya sa dahilan ng pagtaas ng unemployment sa livestock farming ang African Swine Flu (ASF).
“Ito ‘yung continuous ‘yung problem ng ASF. May mga probinsya na nagkaroon ng ASF kaya nagkaroon ng reduction sa production nila,” dagdag pa ng PSA statistician.
