
ANG dating simpleng palitan ng patutsada sa pagitan ng mga lider ng Senado at Kamara, naglevel-up na, matapos hayagang akusahan ni dating Senate President Francis Escudero si former House Speaker Martin Romualdez na umano’y “mastermind” sa likod ng flood control scandal.
Sa kanyang manipestasyon sa plenaryo, inginuso rin ni Escudero si Romualdez na umano’y kumumpas para ilihis ang atensyon ng publiko laban sa mga kongresistang bahagi ng maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Escudero, palaging senador ang binabanggit ng mga testigo kahit malinaw naman aniyang walang malinaw na ebidensyang tumanggap – o nakausap man lang ang sinuman sa mga hanay ng senado.
Kumbinsido rin si Escudero na ang lahat ng mga naturang kaganapan at sadyang idinisenyo para ibaling ng media ang atensyon palayo sa Kamara at sa mga congressman.
“Bakit nga ba? Dahil, tila mas malaking isda ika nga, mas mataas, at mas kilala ang mga senador kumpara sa congressman. Umaasa sila na maiiwasan ang galit ng tao sa kanilang mga anomalya ukol sa flood control at tuluyan na silang makakatakas mula sa anumang pananagutan,” pahayag ni Escudero.
Isang tao lang naman aniya ang nasa likod ng tinawag niyang sarswela — at siya rin ang dahilan ng bangayan at kontrobersiyang naglalayong “protektahan lamang ang sarili niya.”
“Ang pangalan niya ay matagal nang bulung-bulungan sa bawat sulok ng ating bansa, pero ngayon, unti-unti na sinisigawan na ng taumbayan,” dagdag pa niya, sabay pakita ng video ng viral na awiting “Martin Magnanakaw”.
“Pero bakit tila ang Kamara, ang Senado at ang ilang media ay hindi pa din kayang sambitin ang pangalan niya. Puwes, sasabihin ko ito para sa inyo: Martin Romualdez!” (ESTONG REYES)