
SA hangaring tiyakin ang magandang kinabukasan ng mga kabataan, tiniyak ng bagong pamunuan ng Kamara ang pagbibigay ng sapat na pondo para tustusan ang libreng kolehiyo sa Pilipinas.
Sa isang kalatas, lubos na ikinalugod ni House Committee on Higher and Technical Education Chairperson at Tingog Partylist Rep. Jude Acidre ang garantiya ng liderato ng Kamara na maglaan ng bilyong-bilyong halaga ng pondo sa 2026 national budget, para ganap na maipatupad ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Sa mga naunang consultative meeting ni Acidre, nabatid na aabot sa P12.31 billion ang sinasabing utang ng gobyerno sa iba’t-ibang State Universities and Colleges (SUC) para sa pagbibigay ng libreng pag-aaral sa kolehiyo.
“SUC officials explained that the deficiency arose from the continued use of prior-year enrollment figures as the basis for computing allocations, instead of projected enrollment as provided for under the law,” ayon sa House panel head.
“This has created persistent funding gaps, forcing many institutions to defer essential programs or undertake difficult budget adjustments,” dugtong niya.
Bunsod nito, umapela si Acidre kina Speaker Faustino Dy III, House Majority Floor Leader Sandro Marcos, at House Appropriations Chairperson Mikaela Angela Suansing na resolbahin ang isyu.
Sa pagsalang sa plenaryo ng proposed 2026 national budget, inihayag ni Suansing ang paglalaan ng P12.3 billion para sa sinasabing kulang na pondo para sa Free College Education program kung saan P7.82 billion dito ang Commission on Higher Education’s Higher Education Development Fund, at naman sa P4.49 billion sa General Appropriations Act.
Bukod dito, sinabi ni Acidre na tiniyak din ng House leadership ang paglalaan ng nasa P9 billion bilang dagdag pondo para sa Tertiary Education Subsidy at iba pang student assistance programs.
“I commend the leadership of Congress and CHED for ensuring that the P12.3 billion deficit will now be fully funded. This is a victory for our SUCs and our students. But beyond immediate relief, we must fix the root of the problem. SUCs should not be penalized for growing enrollment when the law itself anticipated such growth and provided a lawful framework for appropriations.” (ROMER R. BUTUYAN)