TUNAY ngang hahamakin ang lahat dahil sa pag-ibig. Ito marahil ang napagtanto ng nobya ng isang 15-anyos na binatilyong pumanaw sa pagtatanggol sa nobyang binastos umano ng kaeskwela sa lungsod ng Maynila.
Sa ulat ng Manila Police District, arestado ang 16-anyos na suspek matapos tarakan ng patalim ang biktimang inabangan sa labas ng paaralan sa Baseco Compound noong nakaraang Martes.
Hagip ng CCTV sa lugar ang pag-aabang ng suspek sa paglabas ng biktima mula sa pinapasukang paaralan. Paglabas ng paaralan agad na nagpanagpo ang paningin ng dalawang binatilyo hanggang sa tuluyang magsuntukan.
Sapul din sa CCTV footage na napahawak sa tiyan ang biktima bunsod ng tama ng kutsilyo sa sikmura.
