INIREKOMENDA ng Quezon City Prosecutors Office ang pagsasampa ng dalawang kaso ng murder laban sa mag-asawang dawit umano sa pagpatay kay isang babaeng pulis at walong taong gulang na anak.
Batay sa resolusyon ng Quezon City Prosecutor’s Office, partikular na tinukoy ang paghahabla laban kina Pia Katrina at Christian Panganiban, gayundin sa isang Gil Dy Jr. na sinasabing helper ng mag-asawa.
Rekomendasyon ng tagausig sa korte — walang piyansa para sa mag-asawang Panganiban, lalo pa’t matibay umano ang ebidensyang nag-uugnay sa mga suspek sa pagpatay kay P/SMS Diane Maria Mollenido at sa anak nitong si John Ysmael.
Para naman kay Quezon City Police District (QCPD) Director, Brig. Gen. Randy Glenn Silvio, malaking bentahe ang masusi at malalimang imbestigasyon ng lokal na pulisya.
Samantala, ang sumurender na rin ang kapatid ni Pia na si alyas “Maribel” na ituturing na lamang bilang saksi.
Ibinasura rin ng korte ang reklamo laban sa mister ng policewoman na si John Mollenido matapos pagbigyan ang mosyon na alisin ang kanyang pangalan sa listahan ng mga respondent. (LILY REYES)
