Ni FERNAN ANGELES
SA dami ng kontrapelo, nagpasya ang San Miguel Corporation (SMC) na huwag na lang itutuloy ang 19-kilometrong elevated expressway sa kahabaan ng makasaysayang Pasig River.
Para sa negosyanteng si Ramon Ang, hindi angkop na ipagwalang-bahala ang pananaw ng mga eksperto, at pagtutol mga apektadong komunidad at maging ng mga grupong makakalikasan.
“You know, I am a businessman who, if I see that our countrymen do not want the project, I will not pursue it,” pahayag ni Ramon Ang na tumatayong presidente at chief executive officer (CEO) ng San Miguel Corporation kaugnay ng proyektong Pasig River Expressway (Parex).

Pag-amin ni Ang, siya mismo ang nagsulong ng naturang proyekto.
“I proposed the Pasig River tollway… but many people said they do not want it because it is against their sentiments or it is not good to look at or whatever,” dagdag pa ng negosyante.
Gayunpaman, ani Ang, hindi polisiya ng SMC ipagpilitan ang isang proyekto para lang magkamal ng kita.
“Did you hear if I pushed through with it? No, because we are very sensitive; we listen to the pulse of the nation.”

Sa ilalim ng orihinal na plano, target ng SMC magtayo ng 19-kilometer, six-lane all-elevated expressway na babagtas sa kahabaan ng Pasig River – mula sa Radial Road 10 sa lungsod ng Maynila, hanggang sa Lupang Arenda sa bayan ng Taytay, lalawigan ng Rizal.
Ang halaga ng proyekto – tumataginting na P99.5 bilyon.
Hangad lang aniya ng SMC magbigay solusyon sa mabigat na daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, kabilang ang EDSA at C5.
Bukod sa softdrink, alak at processed food, kilala rin ang SMC sa larangan ng imprastraktura. Katunayan, SMC ang nasa likod ng mga tolls roads tulad ng Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway, Southern Tagalog Arterial Road, South Luzon Expressway, Skyway System at NAIA Expressway.
Kamakailan lang, nasungkit ng SMC ang P170.6-billion kontrata para sa rehabilitasyon at operasyon ng Ninoy Aquino International Airport.
