Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MAHIGIT isang buwan pa bago ang pagbubukas ng huling bahagi ng regular session ng 19th Congress, doble-kayod na ang Senado at Kamara para matukoy ang mga prayoridad panukala.
Pag-amin ni House Speaker Martin Romualdez, nagkaroon siya ng pagkakataon makadaupang-palad si Senate President Francis Escudero sa Palasyo kung saan kapwa sila dumalo para saksihan ang pormal na paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa batas na magbibigay ng karagdagang allowance para sa mga guro.
“Nag-agree kami ni Senate President that even before the LEDAC na sa third week ng buwan na to, mag-usap kami. Ah syempre naman ‘yung coordination between SP and myself of course, we have each other’s numbers,” paglalahad ni Romualdez.
Maging sina Senate Majority Floor Leader Francis Tolentino at ang lider ng mayorya sa Kamara, nagkaroon din umano ng pagkakataon mag-usap.
“May coordination din sila, so mukhang ano, we’re on our way. We will allow the Senate to fully organize itself or reorganize itself and the common legislative agenda will be outlined as well as the priority legislation,” dagdag pa ng lider ng 300-plus strong members ng House of Representatives.
Ayon sa House Speaker, batid na rin ni Escudero at iba pang bagong opisyal ng Senado na nauna nang naaprubahan ng Kamara ang lahat ng priority measures na isinusulong ng Pangulo at ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
“So ‘yung coordination will be particularly dito sa mga bicameral conference committees on how we reconcile the differing versions,” dugtong ng Leyte solon.
Binanggit din ni Romualdez na siya at kanyang mga kapwa kongresista ay hihintayin lang kung ano ang magiging prayoridad ng Senado sa mga local legislations na naunang naipasa na sa Kamara at nai-transmit sa Senado para sa kaukulang aksiyon.
Kabilang rin sa target talakayin ni Romualdez ang panukalang amyenda sa “restrictive economic measures” na nakapaloob sa 1987 Constitution – na hanggang ngayon ay nakabinbin pa sa Senado.
“Syempre isa pa rin naman na nakapending yung RBH 6 sa Senate saka yung RBH 7, so we’ll get to that.”
