WALA nang atrasan. Ito marahil ang dahilan sa likod ng puspusang pagsasanay nina Philippine National Police chief Gen. Nicolas Torre III at Davao City acting Mayor Sebastian Duterte para sa pinananabikang bakbakan sa loob ng boxing ring ng Rizal Memorial Coliseum sa Linggo, Hulyo 27.
Sa harap ng mga mamamahayag, pinatunayan ng hepe ng pambansang pulisya na kaya pa niyang makipagsabayan sa 37-anyos na anak ni former President Rodrigo Duterte na kanyang inaresto at inihatid pa sa The Hague kaugnay ng crimes against humanity na isinampa ng pamilya ng mga pinaslang sa ilalim ng madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
Hindi naman nagpadaig ang alkaldeng bumida sa YouTube kung saan niya ibinida ang liksi at bilis sa loob ng ring.
Hulyo 20 nang hamunin ng gigil na gigil na si Duterte ang heneral para sa isang mano-manong suntukan. Makalipas ang tatlong araw, tinanggap ni Torre ang hamon sa kondisyon gagawing charity boxing match ang idaraos na bakbakan sa hangaring makalikom ng pondo para sa mga nasalanta ng bagyo.
At para siguradong makalikom ng pondo, nanawagan si Torre sa mga negosyante na tumayong sponsor sa charity boxing event.
Samantala, isang “corporate executive” ng de-kalibreng resort casino hotel ang umano’y handang tumayo bilang sponsor sa bakbakan nina Torre at Duterte.
”A credible source told me last night, the CEO of a popular resort casino hotel, a well-known philanthropist, is willing to open their ballroom for the ‘charity boxing match’ between Nick Torre and Baste Duterte,” wika ni Senador Panfilo Lacson sa social media.
Kapwa kilalang “matibay ang dibdib” sina Torre at Duterte. Si Torre ay miyembro ng Philippine National Police Academy (PNPA) boxing at martial arts squad. Kilala naman sa pagiging brusko sa Davao City ang alkalde.
Gayunpaman, malaki ang agwat ng edad ng magkatunggali — 55-anyos na si Torre habang 37 taong gulang naman ang batang Duterte. (EDWIN MORENO)
