KUMBINSIDO ang Office of the Ombudsman na planado ang ginawang panloloko ni Bamban Mayor Alice Guo – mula sa pagpapanggap na Pilipino hanggang sa maluklok sa pwestong ginamit sa kabi-kabilang bulilyaso – kabilang ang POGO.
Sa isang kalatas, inihayag na rin ng Office of the Ombudsman na tanggal na sa pwesto bilang alkalde ng bayan ng Bamban sa lalawigan ng Tarlac si Guo bunsod ng “grave misconduct – bukod pa sa mahabang talaan ng iba’t ibang kasong kriminal na nakabinbin sa husgado.
Sa 25-pahinang desisyon, kinansela na rin ng Office of the Ombudsman ang lahat ng benepisyo ni Guo sa kanyang pagretetiro. Diskwalipikado na rin ang dating alkalde sa anumang posisyon sa gobyerno – halal man o deputado.
Partikular na pinagbatayan ng Ombudsman ang kasong isinampa ng Department of Interior Local Government (DILG) na nagdadawit kay Guo sa sinalakay na POGO hub hindi kalayuan sa kanyang tanggapan sa munisipyo ng Bamban, Tarlac.
“Guo’s acts such as her involvement in the raided Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub in her locality showed a willful intent on her part to violate the law or disregard established rules.”
“The series of acts are interconnected leaving no other conclusion than that they were committed by Guo with ulterior motives or self-interest,” saad sa isang bahagi ng desisyon.
“The element of corruption, willful intent to violate the law, and to disregard established rules are all quite evident,” dagdag ng Ombudsman.
Samantala, pinatawan din ng tatlong buwang suspensyon ang iba pang opisyales ng lokal na pamahalaan ng Bamban – kabilang sina Bamban Vice Mayor Leonardo Anunciacion, Bamban Business Permit and Licensing Office officer Edwin Campo, Adenn Sigua, Johny Sales, Jayson Galang, Nikko Ballio, Ernesto Salting, Jose Salting Jr., Robin Mangiliman, Jose Aguilar, Mary Lacsamana, at Rainier Rivera.
