Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
NANANATILING patok sa masa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa natatanging sigasig ng kanyang “secret weapon,” ayon kay Finance Secretary Ralph Recto.
Sa kanyang talumpati kasabay ng pagbubukas ng dalawang araw na Batangas leg ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF), partikular na tinukoy ni Recto si House Speaker Martin Romualdez na kumakatawan sa Pangulo sa tuwing maghahatid ng serbisyong direkta sa mga tao.
“Nandito naman ang liderato ng Kongreso, ang partner ng Pangulo, first cousin ng Pangulo, taga-isip ng programang tulad nito, siya ang dahilan kung bakit tayo merong BPSF,” wika ni Recto na dati ring kinatawan ng lalawigan sa Kamara bago pa itinalaga bilang Finance Secretary ni Marcos.
”Kailan ba kayo nakakita ng Speaker na bumisita sa lalawigan ng Batangas, di ho ba? Nagbigay ng panahon ang taong ito, Sabi ko nga kanina, haligi ng Marcos administration, secret weapon siya ng ating pangulo. Kaya kung maganda ang takbo ng administrasyon, yan ay dahil din sa taong ipapakilala ko sa inyo,” ani Recto kasabay ng pagbubukas ng serbisyo caravan sa Aboitiz Pitch, Lipa City.
Sa naturang serbisyo caravan, pumalo sa P563-milyong halaga ng iba’t-ibang government services at cash assistance ang ipinamahagi sa mahigit 60,000 residente ng probinsya.
Nilinaw naman ni Recto na ang pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng BPSF ay hindi isang political rally kundi isang serbisyo sa taumbayan na nangangailangan ng suporta ng gobyerno.
“Ang pagtitipon pong ito ay hindi rally, kundi serbisyo. Hindi pamumulitika, kundi paglilingkod. Ang hatid ay hindi ang paghahati-hati sa mga paksyon-paksyon o buklod-buklod, kundi ang pagsasama sa layuning makatulong. Hindi hidwaan, kundi ginhawa.”
“Kita niyo naman, sangkaterbang serbisyo ang narito ngayon. Lahat yata ng ahensya na nakasulat sa government directory nandito na present lahat dine,” dugtong nito.
Ang Batangas ang ika-22 probinsya na pinuntahan ng BPSF.
