Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
POSIBLENG pasok sa notoryus Fujian mafia si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ayon kay Batangas Rep. Gerville Luistro.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng quad comm ng Kamara, ipinrisinta ni Luistro na tumatayong vice chairperson ng House Justice Committee, ang mga ebidensyang patunay na magkakilala si Guo at ang mga kinatatakutang miyembro ng triad na mula sa lalawigan ng Fujian sa China.
Kabilang rin sa inilabas ni Luistro ang mga lumabas na ‘congratulatory ad placements’ sa iba’t ibang Chinese newspapers na nakabase sa Maynila matapos manalo sa 2022 local elections bilang “First Chinese in the Philippines.”
Lalong naghinala si Luistro bunsod na rin ng Bureau of Immigration (BI) records, na nagsasabing ang dependent ng ina ni Guo, na si Lin Wen Yi, ay mula rin sa Fujian.
Binigyan-diin pa ng Batangas lawmaker na ang dalawang business partner ni Guo at kasama bilang incorporators sa Bamban-based Baofu Land Development Inc., na sina Lin Baoying at Rujin Zhang na kapwa convicted sa anti-money laundering sa Singapore ay kapwa Fujians din.
“Based on research, Mr. Chair, the two incorporators by the name Baoying Lin and Rujin Zhang, both convicted of anti-money laundering in Singapore, are all from Fujian, China,” ani Luistro sa Quad Committee, na pinamumunuan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers.
“I wonder, Mr. Chair, if these are merely coincidences?” Tanong ng mambabatas kung bakit tila nagtutugma na pawang taga-Fujian ang nauugnay kay Guo kaya lumakas ang kanyang paghihinala na baka konektada ang huli sa naturang notorious crime syndicate.
Samantala, lumabas din sa Quad Comm probe na isang Chinese national si Guo, na napalusutan ang Philippine legal at identification systems para makapagtayo ng mga negosyong posibleng pinondohan ng triad.
Sa paggisa ni Luistro nakita ang ugnayan nina Guo, Lin at Zhang, na convicted $3 billion money laundering sa Singapore, gayundin ang isa pang incorporator na si Huang Zhiyang, na sinasabing sangkot sa cybercrimes.
Ang apat na binanggit ay idinadawit sa illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), partikular sa Hongsheng Gaming Technology at Zun Yuan Technology, na inaakusahang nagsasagawa ng human trafficking at money laundering.
