SA gitna ng mga batikos sa umano’y pamumulitika gamit ang Ayuda sa Kapos Ang Kita Program (AKAP), binalaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga nagpapanggap na kapos-palad na babawiin ang tulong ng gobyerno sa sandaling mabistong sapat ang kinikita.
Partikular na tinukoy ni Labor Undersecretary Benjo Benavidez ang mga hindi kuwalipikado sa tulong ng gobyerno sa hanay ng mga manggagawa.
Aniya, nakatakda na rin magpatupad ng mga bagong panuntunan ang DOLE, Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Economic and Development Authority (NEDA) para tiyakin mga karapat-dapat na benepisyaryo lang ang makikinabang sa ayuda.
Sa ilalim ng probisyong nakapaloob sa 2025 General Appropriations Act nakasaad na mga kumikita lang ng hindi lalampas sa umiiral na minimum wage rate ang kuwalipikado sa AKAP.
Para tiyakin tanging kwalipikadong benepisyaryo lang ang makakatanggap ng ayuda ng pamahalaan, sanib-pwersa na rin ang DSWD at DOLE sa pagtukoy sa mga arawang manggagawa na nasa minimum wage ang kita, pati na rin ang mga obrerong mas mababa pa sa minimum wage ang ganansya.
Kabilang na rin aniya sa mga patunay na kailangan iprisinta ang sertipikasyon kung saan nakasaad kung magkano ang tinatanggap na sahod kada araw.
“Based sa special provision ng GAA, ang mga kababayan natin o mga manggagawa na ang kita ay hindi lalampas ng minimum wage rate sa itinakdang minimum wage rate ay eligible o qualified na makatanggap ng AKAP,” ani Benavidez sa ginanap na Bagong Pilipinas press briefing.
“Kami po sa DOLE kapag may mga ganyan na hindi qualified at nakatanggap na ng ayuda ay ipinababalik namin at iyong pera ay nari-revert sa Treasury,” pahabol ni Benavidez.
