
HINDI pa man sumasapit ang tinatawag na “first 100 days” sa panibagong mandato, usap-usapan na ang 2028 national and local elections.
Sa isang survey, pinulsuhan ng Tangere ang mga mamamayang Pilipino sa mga nais iluklok sa pwesto bilang senador pagsapit ng taong 2028. At ang nanguna sa karera – si Pasig City Mayor Vico Sotto na nasa ikatlo at huling termino bilang alkalde ng nabanggit na lungsod.
Base sa datos ng Tangere, nakasungkit si Sotto ng 61 percent voter preference mula sa mga respondents na nakapanayam mula Hulyo 18 hanggang 20 ng kasalukuyang taon.
Gayunpaman, una nang tiniyak ni Sotto na wala na siyang plano pang tumakbo sa anumang posisyon sa sandaling magtapos ang termino bilang Pasig City mayor.
Aniya. “2028, hindi ako tatakbo. Ngayon pa lang, sinasabi ko na sa inyo.”
Bukod kay Sotto, kabilang rin sa maagang napusuan ng mga respondents sina Raffy Tulfo (55.26% voter preference), Grace Poe (46.05%), Chiz Escudero (37.66%), Loren Legarda (37%), Paolo Duterte (36.57%), Alan Peter Cayetano (34.80%), at Ben Tulfo (32.22%).
Pasok din sa talaan ng sina Robin Padilla (30.08%), Benhur Abalos (29%), Sonny Angara (27.65%), Bong Revilla (26.74%), Rex Gatchalian (25.87%), Jinggoy Estrada (25%), at Abby Binay (24.60%).