
PARA kay House Speaker Faustino Dy III, mas mabuting ipaubaya na lamang sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pag-iimbestiga sa malawakang anomalya sa likod ng mga flood control projects ng pamahalaan.
Gayunpaman, nilinaw ni Dy na higit na angkop pa rin na pulsuhan ang saloobin ng mga kapwa mambabatas sa Kamara. Ayon sa bagong lider ng Kamara, kabilang sa kailangan pagpasyahan ay kung tuloy o tigil na ang pagdinig ng tinaguriang House Infra Comm sa naturang anomalya.
“Kung ako lamang ang masusunod, yung Infra Comm, kailangan lahat ng report at kung ano ang nangyari doon, kailangang i-submit na namin sa ICC tutal hindi naman pinaniniwalaan karamihan ng ating mga kababayan kung ano ang nangyayari dito sa Infra Comm na ito,” bulalas ng Kinatawan ng ika-6 na distrito ng Isabela.
“Sa tingin ko mas makakabuti na ipasa na namin sa ICC,” dugtong ng bagong House Speaker.
Sa nakaraang pagdinig ng House Infra Comm, na binubuo ng House Committees on Public Accounts, on Good Government; Public Accountability, at Public Works and Highways, isiniwalat ni dating Bulacan First District Engineering Office (Bulacan First DEO) Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez ang pagtanggap ng kickback na katumbas ng 30 percent ng project cost sina Senador Jinggoy Estrada at Joel Villanueva.
Todo-tanggi naman sina Estrada at Villanueva sa ibinunyag ni Hernandez, kasabay ng bantang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa sinibak na inhinyero ng gobyerno.
Bukod kay Hernandez, sumalang din sa pagdinig si Curlee Discaya ng St. Gerrard Corporation. Sa harap ng mga kongresista, binawi ni Discaya ang testimonyang isinumite sa Senate blue ribbon committee noong Setyembre 8.
Partikular na binawi ng nabanggit na kontratista ang bahagi ng tesmonyang nagdawit kay former House Speaker Martin Romualdez at Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co.
Samantala, inamin ni Dy na maraming tinanggal na flood control projects ang kinapon sa ilalim ng 2026 proposed national budget.
Gayunpaman, ibinahagi ng lider ng Kamara ang rekomendasyon ni Public Works and Highways Secretary Vince Dizon — ang pagtukoy sa mga lugar na higit na nangangailangan ng flood control projects batay sa pag-aaral na isinagawa ng Project NOAH (Nationwide Operational Assessment of Hazards). (ROMER R. BUTUYAN)