
BAGO pa man tuluyang makapagtago, inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsasampa ng patong-patong na kaso laban sa dawit sa maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.
Kabilang sa mga tinutulak na kasuhan sina Senador Jinggoy Estrada at Joel Villanueva. Pasok din sa rekomendasyon ng NBI sina Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co at dating Caloocan Rep. Mitch Cajayon Uy.
Kasama din sa inirekomendang kasuhan ang mga dating opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina Usec. Roberto Bernardo, at ex-Bulacan District Engineer Henry Alcantara.
“They (NBI) recommended the filing of charges already. So we treated this already as a complaint, with the NBI as an endorsing agency,” wika ni Justice Secretary Crispin Remulla.
Ibinahagi rin ni Remulla ang napipintong paghiling ng freeze order ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) laban sa mga nabanggit na personalidad.
Kabilang sa mga kasong ihahain ng DOJ laban sa mga pinaniniwalaang sangkot sa maanomalyang flood control projects ang paglabag ng Section 3 of Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), Article 211 ng Revised Penal Code (Indirect Bribery), at Article 217 ng Revised Penal Code (Malversation of Public Funds).
Samantala, inamin ni Remulla na nasa proseso pa ng pagsusuri ang DOJ sa pagkakasangkot ni Commissioner Mario Lipana at ng kanyang asawang si Marilou Laurio-Lipana sa mga flood control projects.