UPANG matulungan ang mga residente nahagip din ng bagyong Tino, pinalawak ang relief operations sa buong eastern Visayas region.
Sa isang kalatas, ibinida ni Tingog partylist Rep. Jude Acidre ang pamamahagi ng tulong sa mga residente ng Baybay City sa Leyte at bayan ng Silago sa Southern Leyte.
Gayunpaman, mas minabuti ni Leyte Rep. Martin Romualdez — katuwang ang Tingog partylist group, na magpaabot ng tulong sa mga residenteng apektado ng hambaslos ng bagyo sa iba pang lalawigan sa nasabing rehiyon.
Sa pagtutulungan ng mga tanggapan ni Romualdez at ng Tingog partylist, ipinamahagi na rin ang mga relief goods sa Tacloban City at pitong bayan sa Leyte provinces bilang tulong sa mga pamilyang hinagupit ng bagyong Tino.
Matapos naman maiulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang paghampas ng malakas na hangin at ulan ang Baybay City at Silago municipality, ay agad na inihanda ang mga relief packs bilang agapay sa mga nasalanta ng bagyo.
Sa kasalukuyan aniya, nasa kabuuang 3,750 kilos ng bigas, 30 boxes ng noodles, 10 boxes ng biscuits, 10 boxes ng kape, 20 boxes ng bottled water, at 30 boxes of canned goods ang pinadala sa Baybay City.
Habang sa Silago town naman ay 2,500 kilos ng bigas, 20 boxes ng noodles, 10 boxes ng biscuits, 10 boxes ng kape, 20 boxes ng bottled water, at 20 boxes ang nai-deliver na umano.
Samantala, binigyan-diin ni Romualdez ang pagkakaroon ng kaukulang paghahanda bago ang inaasahang pagtama ng kalamidad sa lugar kung kaya maagap pa ay nakapag-imbak na sila ng mga mahahalagang kagamitan, pagkain at iba pa lalo na sa mga tinatawag na vulnerable communities, kabilang ang low-lying barangays.
Nagpaabot din si Romualdez na katiyakan at kahandaan na agad na magpadala ng kaukulang tulong sa mga biktima ng bagyo at kumpiyansa siya sa katatagan ng mga mamamayan ng Baybay at Silago na harapin at muling bumangon matapos ang naranasang unos.
“We want to make sure they get the immediate support they need to recover and rebuild after the storm,” anang Leyte solon. (ROMER R. BUTUYAN)
