SA ngalan ng buong Kapulungan ng mga Kinatawan, nagpaabot si Speaker Faustino Dy III ng pakikiramay sa mga pamilyang labis na apektado ng bagyong Tino sa malaking bahagi ng Visayas, ilang lugar sa Mindanao at Southern Luzon.
Pagbibigay-diin ng lider ng Kamara, sila ay kasama ng mga biktima sa pagdarasal para sa kaligtasan at mabilis na pagbangon ng mga ito.
Ayon kay Dy, agarang kumikilos ang mga kinatawan mula sa mga lugar na naapektuhan ng nasabing kalamidad at nakipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan para ihatid ang kinakailangang tulong at suporta sa kanilang mga nasasakupan.
“Nananatiling handa ang Kapulungan bilang institusyon na maglaan ng kaukulang pondo at suportahan ang mga programang magpapabilis sa rehabilitasyon, pagbangon ng kabuhayan, at pagpapanumbalik ng mga nasirang pasilidad,” sabi pa ng Isabela province lawmaker.
Sinabi ni Speaker Dy na mga kinatawan ay patuloy na kikilos upang matiyak na makarating sa typhoon victims ang tulong at proteksyong kinakailangan para muling makapag simula.
“Sa panahon ng matinding pagsubok, mas tumitibay ang ating pagkakaisa bilang isang sambayanang may malasakit, katatagan, at pag-asa.” (ROMER R. BUTUYAN)
