SA gitna ng pinangangambahan kakapusan sa suplay ng pagkain sa bansa at pangangalaga na rin sa kapaligiran, inihain ni House Deputy Minority Floor Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima ang panukalang naglalayon ipatigil ang land conversion sa mga lupang sakahan.
Sa ilalim ng House Bill 5762 (Agricultural Land Conversion Ban Act), target ni de Lima amyendahan ang Section 20 ng Republic Act 7160 (Local Government Code of 1991), partikular para sa pagpapatupad ng mahigpit na regulasyon sa proseso ng agricultural land conversion.
“The haphazard conversion of agricultural lands for non-agricultural uses poses serious threats to the country’s food security, environmental sustainability, and rural development,” giit pa ng Bicol solon.
“Kung totoong prayoridad ng gobyerno ang food security, kailangan nitong wakasan ang walang pakundangan conversion ng ating mga lupang agrikultural. Imbes na gawin itong mga subdivision, resort, o mga establisyemento, dapat bigyan ng sapat na suporta ang ating mga magsasaka at mangingisda para tumaas ang kanilang produksyon at kita,” dugtong niya.
Batay sa datos ng Department of Agrarian Reform (DAR), 98,939 ektarya ng lupain ang naaprubahan para sa land conversion mula 1988 hanggang 2016, habang nasa 120,381 ektarya naman ang “exempted” sa land reform coverage.
Subalit ang mas nakababahala, ani De Lima, ay ang ulat ng National Irrigation Administration (NIA), na aabot umano sa 165,000 ektarya ng irrigated prime agricultural land ang nai-convert sa ibang paggamit kada taon.
Bukod dito, talamak din umano ang illegal conversions, sa maraming lugar sa bansa kung saan sangkot ang ilang tiwaling large real estate corporations.
Giit ni De Lima, “itigil at panagutin ang mga mapang-abusong nagtutulak ng iligal na agri land conversion, pati na ang mga tiwaling nagpataba ng bulsa sa maanomalyang farm-to-market roads na dapat sana’y napupunta sa nararapat na serbisyo at benepisyo para sa ating mga local food producers.” (ROMER R. BUTUYAN)
