PAGKAGAHAMAN ng mga kapitalista ang sinisilip ng Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau (DENR-EMB) matapos maglabas ng closure order sa Monterrazas de Cebu bunsod ng 10 kaso ng paglabag sa Environmental compliance certificate (ECC).
Bukod sa closure order, inisyuhan din ng notice of violation, notice to explain, at show cause order ang Monterrazas de Cebu na pinaniniwalaang dahilan sa flashflood na ikinamatay ng mahigit sa 200 katao sa kasagsagan ng bagyong Tino.
Ayon kay DENR Region 7 Assistant Regional Director Eddie Llamado, 11 na lang ang natira sa 743 puno sa kabundukan kung saan tinatayo ang Monterrazas de Cebu.
Anang opisyal, walang permiso mula sa City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ang pagputol ng puno sa lugar na kinatatayuan ng mamahaling residential subdivision.
Sa 33 probisyon na iginawad na ECC ng DENR sa Monterrazas de Cebu 10 aniya ang nilabag ng developer. Sa ilalim ng umiiral na reglamento, multang hindi bababa sa P50,000 ang ipapataw ng ahensya sa bawat paglabag ng developer ng Monterrazas de Cebu.
Kabilang sa nakitang paglabag ng developer ang ang kabiguan tiyakin nasa maayos na kondisyon ang tinatawag na detention ponds o imbakan ng tubig sa tuwing bumubuhos ang ulan.
Hindi rin aniya kumuha ng discharge permit ang kompanya na labag sa Clean Water Act na isa pa sa haharapin ng Monterrazas de Cebu.
Kapansin-pansin naman na wala sa pahayag ng DENR ang pagsasampa ng kasong kriminal bunsod ng mga nasawi at pinsala laban sa developer ng Monterrazas.
