Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
LUBOS na pinapurihan ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paglagda ng Republic Act 11982 na nagbibigay-daan sa karagdagang benepisyo sa mga nakatatandang edad 80 pataas.
Sa isang pormal na seremonya sa Malakanyang, ginawa ni Marcos ang pagpirma sa RA 11982 (Expanded Centenarian Act) na nag-amyenda sa RA 10868 (Centenarians Act of 2016)
Partikular na rito ang pagtanggap ng mga senior citizen sa pagtungtong ng edad 80 taon at kada limang taon, o hanggang 95 taong gulang ng P10,000 cash gift.
Diin ni Tulfo, ang aksyon ng Punong Ehekutibo ay “nagpapakita ng tunay na may malasakit ang pamahalaan sa mga kababayan nating senior citizens.”
“Maraming salamat po sa ating Pangulo sa pagbibigay importansya sa mga matatanda nating kababayan,” sabi pa ng ranking House official.
“Siguradong matutuwa ang mga senior citizen natin dahil sa panibagong benepisyo na kanilang matatanggap,” dugtong niya.
Si Tulfo, kasama ang iba pang mga kinatawan ng ACT-CIS partylist, na sina Reps. Jocelyn Tulfo at Edvic Yap, ay mga co-author ng bagong lagdang batas para sa senior citizens.
“Sa pagsasabatas ng Republic Act No. 11982 na nag-aamendya sa Centenarian Law, makakatanggap na ang ating mga senior ng P10,000 sa pagtungtong nila ng 80, 85, 90, at 95 bago nila matanggap ang P100,000 sa pagtungtong nila ng 100 years old,” paliwanag naman ng House Deputy Majority leader
Ang batas ay isinusulong ng mga mambabatas ng ACT-CIS mula pa noong 18th Congress upang magbigay ng karagdagang benepisyo para sa mga senior citizen.
“Maraming salamat kay President Bongbong Marcos Jr. at sa ating mga kasamahan sa Kongreso at Senado na napagtagumpayan natin maipasa ang batas na ito,” sabi ng mga kinatawan ng ACT-CIS partylist.
