WALANG kahirap-hirap na nakalusot sa House Committee of the Whole ang Resolution of Both Houses No. 7, na nagsusulong ng mga pagbabago sa economic provisions ng ng 1987 Constitution.
Ilang saglit makaraang isara ang period of interpellation, agad na naghain ng mosyon si Mandaluyong City Rep. Neptali Gonzales II (tumatayong floor leader ng komite) na pagtibayin ang RBH 7 – hudyat para inaprubahan ni House Majority Leader Manuel Jose Dalipe ang House version ng Charter Change (ChaCha).
Gayunpaman, nanindigan ang mga militanteng kongresista sxa likod ng Makabayan bloc laban sa naturang panukala.
Bago pa man sinimulan ang talakayan ng komite, ibinunyag ni Gonzales ang aniya’y napipintong pagpapatibay ng Kamara sa ikalawang pagbasa ng RBH 7.
Sa ilalim ng RBH 7, isisingit ang mga katagang “unless otherwise provided by law” sa Articles 12, 14 at 16 ng umiiral na 1987 Constitution sa hangarin alisin ang mga probisyon nagbibigay limitasyon sa mga banyaga sa usapin ng pagmamay-ari ng negosyo sa sektor ng public utility, edukasyon, advertising at iba.
