
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PARA kay Deputy Speaker at Las Piñas Rep. Camille Villar, higit na kailangan mabigyan ng kaukulang kasanayan ang mga ina ng tahanan upang magkaroon ng dagdag na kaalaman na pwede gamitin sa hanapbuhay para makatulong sa pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.
Bukod sa skills training, nanindigan si Villar na dapat din magkaroon ng tamang financial support system ang pamahalaan para sa mga tinaguriang ‘ilaw ng tahanan’.
Sa isinagawang ‘Nanay Fair’ na idinaos sa covered court ng Barangay Manuyo Uno sa Las Piñas City, personal na nasaksihan ni Villar ang livelihood baking seminar kung saan itinuro ang pagluluto ng no-bake at baked breads at paggawa ng iba pang mga produktong maaaring ibenta para may dagdag-kita.
Nagkaroon din doon ng mga aktibidad para sa mga buntis partikular ang free prenatal check-ups, habang pinangunahan din ni Villar, na tumatayong chief executive officer ng ALL Value Group at managing director ng Vista Land, ang pa-raffle ng strollers, baby bottle sterilizers, diaper packs at rice packs.
Tumanggap din ng mga gift packs na naglalaman ng health products ang mga kalahok sa pagtatapos ng programa.
Ang Nanay Fair ay bahagi ng adbokasiya ni Villar para sa maayos na kalagayan ng mga nagdadalang-tao at dinadalang sanggol patuloy na pinagkakalooban ng financial at medical assistance sa panahon ng pagbubuntis ng mga ito.
Samantala, nanawagan din si Villar sa mga kapwa kongresista na pagtibayin ang inihaing House Bill 5684 na nagbabawal sa alinmang health institutions, ospital, o maternity lying-in clinics na tanggihan ang mga kababaihang magsisilang na ng dalang sanggol.