
TODO-tanggi si First Lady Liza Araneta-Marcos sa kumakalat na balita hinggil sa pagiging sunod-sunuran ang asawang Pangulo.
Giit ni Araneta-Marcos, si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mismo ang nagpapasya sa mga usaping may kinalaman sa gobyerno – partikular sa executive branch ng pamahalaan.
Maging sa usapin sa loob ng pamilya, ang Pangulo – at hindi siya ang bida.
Wala rin umano siyang kinalaman sa paghirang ng mga tao sa gobyerno, lalo pa’t hindi naman umano siya isang politiko.
Katunayan pa aniya, hindi siya matandain sa mga pangalan ng mga taong pinapakilala sa kanya ng asawang Pangulo.
“Kaya nga ang tawag sa akin ni President Marcos ambassador of bad will,” ani Araneta-Marcos kasabay ng babala sa nagpapakalat na under-de-saya ang Pangulo.
“Dahan-dahan sila. If I’m in charge, lahat sila patay. Ako pa,” babala ng Unang Ginang.
Sinagot din ni Araneta-Marcos ang paratang na siya ang nasa likod ng suspension order ng Malacañang laban kay Davao del Norte Governor Edwin Jubahib na ayon sa kanyya ay di rin niya personal na kilala.
Gayunpaman, aminado ang Unang Ginang na siya’y nasasaktan sa tuwing tinatawag na “under” ang kanyang kabiyak.
Kung meron umano siyang pakay sa tuwing bumisita sa Palasyo, yun ay ang ayusin ang tanggapan ng kabiyak na Pangulo – “My role is to fix one room a week.”