KUMPARA sa mga naunang pasabog hinggil sa flood control scandal, mas malaki umano ang hirit na komisyon ni Sen. Mark Villar sa panunungkulan bilang Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate blue ribbon committee, hayagang idinawit ni former DPWH Undersecretary Roberto Bernardo si Villar.
Ayon kay Bernardo, 50 percent ang kinukubra ng isang Carlo Aguilar para sa noo’y DPWH Secretary. Aniya si Aguilar, na pinsan ng senador, ang tagahatid ng pera kay Villar.
Dawit din sa testimonya ni Bernardo si dating DPWH Undersecretary for Planning Maria Catalina Cabral na gumawa ng detalyadong project list, kabilang ang major road at EDSA maintenance allocations, at magsumite ng lump-sum funding proposals.
Bukod kay Villar at Cabral, kaladkad din ang pangalan ng dalawang dating senador na umano’y tumanggap ng suhol — Senador Sonny Angara (ngayon ay DepEd secretary), at dating Senadora Grace Poe.
Isang JY Dela Rosa na umano’y staff noon ni Poe ang nakipag-usap sa contractor na kinilala lang sa pangalang Mrs. Patron para makuha ang 20% ni Poe.
“There was a 20% commitment collected for Sen. Grace Poe. Mrs. Patron, collected the commitment for Sen. Grace Poe at Diamond Hotel from one of my aides,” salaysay ni Bernardo
Binanggit din ni Bernardo ang pangalan nina Senador Francis Escudero, Jinggoy Estrada, dating Senador Nancy Binay at dating Senador Ramon Bong Revilla na tumanggap ng kickback sa mga proyekto.
Nakakuha rin umano ng malaking kickback ang dating kalihim ng DPWH na si Manuel Bonoan.
Itinanggi naman nina Villar, Poe at Binay ang akusasyon ni Bernardo. (ESTONG REYES)
