HABANG nagdiriwang ang mga biktima ng di umano’y kahalayan ng puganteng pastor, biglang umeksena ang isang abogado kasabay ng batikos kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa di umano’y pag-epal sa pagtatapos ng stand-off sa lungsod ng Davao.
Giit ni Atty. Ferdinand Topacio na tumatayong abogado ni Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy, hindi umano totoo ang paandar ni Abalos na nagsabing nasakote ang religious leader.
Partikular na tinukoy ng abogado ang Facebook post ng Kalihim kung saan sinabi ni Abalos na “Nahuli na po si Quiboloy.”
Ayon kay Topacio, sumuko si Quiboloy kay Major General Edmundo Peralta na tumatayong commander officer ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP).
Gayunpaman, nananatiling tikom ang pamunuan ng ISAFP at maging ang Philippine National Police (PNP) na sinasabing nakahuli sa wanted na televangelist na kilalang malapit sa pamilya Duterte ng Davao.
