SA gitna ng mga panawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kalusin ang mga tinaguriang “insertions” na kalakip ng 2025 General Appropriations Bill (GAB), pinagtanggol ng mga sikat na political vloggers ang isa sa mga tinutuligsang programang ayudaq ng pamahalaan.
Para sa vlogger na si Nico David, malaking bentahe ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP). Aniya, kailangan ng mamamayan lalo na yung mga mga Pilipinong pilit lang pinagkakasya ang kakarampot na kita sa pagtitinda, pagbibigay-serbisyo sa iba at maging yaong may mga hindi sapat ang sahod sa pinapasukang kumpanya.
Ayon kay David, maganda ang AKAP dahil direktang hinahatid ang tulong ng gobyerno sa mga tao sa “laylayan” ng lipunan, kasabay ng giit na ang naturang paraan ay isang mabisang panlaban sa katiwalian.
“Iwas corruption yan kasi alam mo na yung pera dun sa nangangailangan ang punta,” anang vlogger.
“Those who have less in life should have more in law,” dagdag pa ni David sa aniya’y isang epektibong mekanismo sa pagpapaigting sa social justice ng bansa.
Iginiit naman ng isa pang vlogger na si Models of Manila, ang AKAP ay magandang katuwang ng pamahalaan sa implementasyon ng mga programa at polisiya para mapalago ang ekonomiya ng bansa.
“Itong mga ayuda na ito maganda po ito lalo na kung sasabayan mo ng polisiya at mga protekto para mapalago ang mga ekonomiya,” ayon sa vlogger.
Dagdag pa ni Models of Manila, ito ang ginagawa at layunin ngayon ng pamahalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para maiangat ang buhay ng mga “kababayang nasa laylayan ng lipunan.”
Sinabi naman ng vlogger na si Silver Voice of the People, ang AKAP ay napakalaking tulong para pantawid sa mga kabuhayan ng mga kapos ang kita.
“Gaya ngayong kapaskuhan, ito po ay para sa mga kababayan natin na minimum wage earner o P20,000 pababa. Para po sa kanila malaking bagay po yan yung P3,000 hanggang P5,000 ayuda, kung tatapyasan po, kawawa naman,” paliwanag ni Silver Voice of the Philippines.
Anila, hindi dapat tanggalin o bawasan man lang ang pondo ng AKAP. (Romeo Allan Butuyan II)
