SA pagnanais isulong ang isang bukas at makatotohanan talakayan, pormal na sinimulan ng Kamara ang nationwide public consultation hinggil sa panukalang Anti-Political Dynasty Act.
Sa isang video message sa pagbubukas ng unang public consultation ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms sa Carmona, Cavite, binigyang diin ni Speaker Faustino Dy III na ang mga isasagawang konsultasyon “ay bahagi ng paninindigan ng Kapulungan ng mga Kinatawan na ang mahahalagang batas ay dapat binabalangkas sa pamamagitan ng bukas at tapat na pag-uusap.”
Pagkatapos ng Carmona, target ng nabanggit na komite, na pinamumunuan ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, ilarga agad ang ikalawang yugto ng talakayan sa Cebu City at ang panghuli naman sa Cagayan de Oro City.
Aniya, proseso ng konsultasyon ay nakatuon sa nasa 24 anti-political dynasty measures, kabilang ang House Bill 6771 na kapwa akda ni Dy at House Majority Leader Sandro Marcos.
Layunin ng panukalang batas tugunan ang iniaatas ng 1987 Constitution na bumalangkas ang Kongreso ng partikular na pakahulugan sa usapin ng political dynasties hinggil sa kung sinong miyembro ng pamilya ang pagbabawalan kumandidato at paglilimita sa elective positions ang maaaring takbuhan.
Ani Dy, umaasa siyang sa sa bisa ng HB 6771 ay mareresolba ang matagal na ring panawagan ng taumbayan na magkaroon ng tunay na reporma sa proseso ng paghalal sa mga opisyal ng pamahalaan, gayundin ang ilang dekada nang usapin ng political dynasties.
“Sa usapin ng panukalang batas hinggil sa political dynasty, malinaw po na matagal na itong hinihintay ng sambayanang Pilipino,” wika ng Isabela province lawmaker.
“Alam po namin na kasama ng isyung ito ang iba’t ibang pananaw, karanasan, at saloobin. Kaya’t hindi po kami narito upang magtakda ng pasya; narito kami upang makinig,” dugtong niya.
Tiniyak ni Dy na “bukas ang Kapulungan sa lahat ng tinig—mula Luzon, Visayas, at Mindanao—sa mga sumusuporta, sa mga may pangamba, at sa mga nagnanais ng masusing pag-unawa sa panukalang ito.”
Giit ng House Speaker, siniseryoso nila ang pagsusulong ng naturang panukalang batas. Gayunpaman, nilinaw ng lider ng Kamara na nakasalalay ang tagumpay sa tunay na public participation.
“Ang malinaw po: seryoso ang Kapulungan na isulong at ipasa ang isang makatarungan, makabuluhan, at makataong Anti-Political Dynasty Bill. Gayunman, naninindigan kami na mas magiging matatag ang batas kung ito’y dadaan sa totoo at malawak na konsultasyon sa mga mamamayan,” pahayag pa niya.
“Ang Kapulungan ng mga Kinatawan ay handang makinig, handang maglingkod, at handang kumilos para sa ikabubuti ng ating bayan,” pagtatapos ni Speaker Dy. (ROMER R. BUTUYAN)
