HINDI binawi ng Office of the Ombudsman ang anim na buwang preventive suspension order laban kay Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Monalisa Dimalanta kaugnay ng kasong isinampa ng grupo ng mga konsyumer.
Gayunpaman, nilinaw ng Ombudsman na mabilis na tinapos ang preventive suspension dahil hawak na nila di umano ang mga dokumentong gagamiting ebidensya sa kasong isasampa naman sa Sandiganbayan.
Buwan ng Agosto nang maglabas ng kautusan ang Ombudsman para sa “motu proprio” preventive suspension laban kay Dimalanta dahil sa kasong neglect of duty na isinampa ng National Association of Electricity Consumers for Reforms Inc. (Nasecore).
Buwan ng Setyembre naman nang maghain ng motion for reconsideration si Dimalanta kaugnay ng kaso. Pagtungtong ng unang araw ng Oktubre, binasura ng Ombudsmanang hirit ng abogado ng noo’y suspendidong ERC chair — ang dahilan, “there was sufficient basis for the issuance of the preventive suspension.”
Una nang pinaratang ng Nasecore si Dimalanta sa pagkiling sa Manila Electric Company (Meralco), partikular sa umiiral na distribution rate ng naturang kumpanya sa mga hinahatiran ng kuryente sa Metro Manila at mga karatig probinsya.
Layunin anila ng preventive suspension ay para tiyakin hindi mawawala, mababago o mapapalitan ang mga dokumentong nakalagak sa tanggapan ng ERC – at maging sa iba pang ahensya ng pamahalaan.
Anila, nagsumite na rin ng counter-affidavit si Dimalanta.
“When the reason for the preventive suspension has already ceased, justice and fair play demands that the preventive suspension should not be for the full six-month period allowed by law but should immediately be lifted,” paliwanag ng Ombudsman.
