
MULING nalagay sa matinding kahihiyan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos aminin ng isang dating opisyal ng naturang ahensya na walang matinong proyekto ang kagawaran sa lalawigan ng Bulacan.
Partikular na tinukoy ni dating DPWH assistant district engineer Brice Hernandez ang mga pagawaing bayan sa mga lokalidad na sakop ng Bulacan 1st District Engineering Office (DEO).
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, kabilang sa mga sinasabing “substandard” na imprastraktura ang mga pinagawang gusali, kalsada, classroom at flood control projects mula 2019 hanggang sa mabisto ang bulilyaso.
Paglilinaw ni Hernandez, napipilitan umano ang Bulacan 1st District Engineering Office na gumawa ng paraan para maibigay ang porsyentong hirit ng mga tinawag niyang “proponent” at “sponsor” sa likod ng budget insertion.
“Opo, Your Honor, kasi lahat po ng ito (infrastructure projects), may obligasyon na kailangan itago. Hindi po nami-meet kung ano yung eksaktong nasa plano, Your Honor… Hindi po tumatama sa plano na naka-design talaga para dito,” wika ng sinibak na inhinyero.
Nagsimula naman umano ito noong maging district engineer si Henry Alcantara noong 2019 na nangyayari pa rin umano hanggang ngayon.
“Mula po no’ng dumating si Boss Henry, 2019 po up to present po. Wala pong tumama kung ano yung naka-specify sa plano. Hindi po na-meet lahat yon,” pahabol ni Hernandez. (ESTONG REYES)