SA pagbubukas ng pagdinig ng senado, agad na inalmahan ni National Security Adviser Eduardo Año ang paratang sa tinaguriang “grand conspiracy theory” sa pagdakip kay former President Rodrigo Duterte na nakakulong ngayon sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on foreign relations, sinabi ng dating miyembro ng gabinete ni Duterte na masyadong mahirap para sa kanya na makita ang pagdakip sa dating pangulo.
Gayunpaman, nilinaw ni Año na limitado ang kanyang papel sa pag-aresto kay Duterte – maging sa aspeto ng pagsusuri sa sitwasyon bunsod ng insidente – sa kabila ng posisyon bilang national security adviser sa ilalim ng administrasyong Marcos.
“The implementation of the ICC warrant is beyond my mandate and I have no part in it. And may I also state for the record that I am not aware of any core group, nor am I a member of such a group that allegedly planned and prepared for the arrest of former President Duterte,” ayon kay Año.
“It is utterly unacceptable and unfair that my name is being dragged into an alleged grand conspiracy. I firmly deny any allegations of a grand conspiracy. In fact, the events on March 11 were spontaneous,” dagdag niya.
Ani Año na nagsilbing Chief of Staff of the Armed Forces of the Philippines (AFP), at naging Kalihim ng Department of Interior and Local Government sa sa nakalipas na administrasyon, hindi niya estilo ang lumaro o lumahok man lang sa pulitika.
Nagpahayag naman ng sama ng loob si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na kasama sa asunto ni Duterte sa kasong crime against humanity para sa aplikasyon ng warrant of arrest sa ICC, sa dating kasamahan sa gabinete.
Himutok ni Dela Rosa, sana man lang ay binulungan umano ni Año ang dating pangulo sa mandamiento de arresto na naghihintay sa pagbabalik sa PIlipinas ni Duterte na dinakip sa Ninoy Aquino International Airport matapos ang pangangampanya sa Filipino community sa Hong Kong.
“Out of courtesy man lang sana,” anang senador.
Isa rin sa tinitimbang ni Dela Rosa ang natanggap na impormasyon hinggil sa taksil na nakapasok sa kampo ng dating pangulo.
“May narinig rin ako, but I cannot confirm or deny dahil hindi ko man kilala kung sino ang tao yun na alluded to, na nagsabi ng ganun. Hindi ko man alam, hindi ko kilala kung sino. Pero may mga tsismis na ganon,” ayon sa senador. (ESTONG REYES)
