NAGSAMPA ng kasong administratibo ang National Police Commission (Napolcom) laban sa pulis na nag-viral online sa kanyang mga post sa social media bilang tugon sa pag-aresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte.
Nitong Miyerkules ng gabi ay sinabi ng Napolcom na si Patrolman Francis Steve Fontillas ay nahaharap sa kasong administratibo para sa maling pag-uugali na hindi nararapat sa isang pulis.
“The NAPOLCOM proceeded today with the filing of an Administrative Complaint against Fontillas for Grave Misconduct and Conduct Unbecoming of a Police Officer,” saad sa pahayag.
“The NAPOLCOM also ordered Fontillas to file his Comment/Counter-Affidavit/Answer within a non-extendible period of five days upon receipt. Failure of Fontillas to file the same shall be considered a waiver thereof,” dagdag pa ng komisyon.
Samantala, nanawagan si Napolcom commissioner Rafael Calinisan kay Fontillas na sumailalim sa pagsusuri ng mga dalubhasa sa gitna ng mga nakitang “red flags” batay sa obserbasyon ng mga kasama sa trabaho.
Una nang sinabi ng Quezon City Police District (QPCD) Acting District Director Col. Melecio M Buslig, Jr, na tumanggi si Fontillas na sumailalim sa isang neuropsychiatric exam.
Kinumpirma din ni Lt. Col Van Jayson Villamor, hepe ng QCPD medical and dental unit, na nakitaan na nila ng mga senyales na pahiwatig ng psychological disorder ni Fontillas.
Kinasuhan na din si Fontillas ng paglabag sa Article 142 ng Revised Penal Code (Inciting to Sedition) na may kaugnayan sa Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) sa Quezon City prosecutor’s office.
Si Fontillas ay itinalaga sa District Personnel and Holding Admin Section mula noong Pebrero 20, 2025 ngunit hindi na lumutang sa nasabing tanggapan mula Marso 6.
Binigyan na lang ng Napolcom si Fontanillas ng hanggang Abril 6 para lumutang at personal na magpaliwanag. Sakaling magmatigas, isusulong na ang dismissal proceedings.
Samantala, idinaan ni Fontanillas ang paliwanag sa social media kung saan iginiit umano ng naturang pulis na nag-file siya ng 10-day leave noong Marso 6. Aprubado di umano ng chief administrator ang leave application.
Gayunpaman, nilinaw ng QPCD chief na hindi pa inaprubahan ang sick leave na inihain ni Fontillas dahil sa kawalan ng medical certificate. (LILY REYES)
