
Ni JAM NAVALES
UMAPELA si AGRI Partylist Rep. Wilbert Lee sa Department of Agriculture (DA) na tulungan ang mga magsasaka at mangingisda na mapabilang sa Registry System for the Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) para na rin makatanggap ng fuel subsidy na ipamamahagi ng naturang ahensya.
“Matagal na po nating panawagan na ma-update at ma-modernize na ang RSBSA registration dahil marami tayong mga magsasaka at mangingisdang di nakakatanggap ng ayuda dahil wala sila sa listahan o di kaya ay may mali sa detalye. Sa bigat ng mga pasanin nila, sobrang nakapanghihinayang na hindi sila nakakatanggap ng tulong,” pahayag pa ni Lee.
“Bukod sa paghikayat at gabay ng DA sa pagpaparehistro sa RSBSA, dapat pabilisin at simplehan din ang mga requirements sa pagpaparehistro ng mga makinarya at bangka para maging kwalipikado sa fuel subsidy,” dagdag ng Bicolano congressman.
Una nang inihayag ng DA na may nakalaang P500 million para sa implementasyon ng one-time P3,000 fuel subsidy para sa mga farmer at fisher, na ang gamit na makinarya at bangka ay nakarehistro.
Hirit ni Lee sa ahensya, bigyan ng sapat na panahon ang mga magsasaka at mangingisda na makapag rehistro ng kanilang mga kagamitan habang patuloy pang binabalangkas ang panuntunan para sa subsidy program.
“Bigyan po sana ng DA ng pagkakataon na makapag rehistro ang ating mga magsasaka at mangingisda sa RSBSA habang wala pang pinal na alituntunin sa fuel subsidy,” sabi pa ni Lee.
“At kapag nagsimula na ang pamimigay ng subsidy, gamitin po sana ng DA ang latest na listahan ng rehistro para walang mapagkaitan at mapag-iwanan,” dugtong niya.
Hinimok din ni Lee ang DA na ikonsidera ang pagkakaroon ng isa pang fuel subsidy distribution partikular sa ikalawang bahagi ng taon lalo na kung muling magkakaroon ng oil price hike.
“Sa dalas at laki ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, hindi sapat ang one-time P3,000 na fuel subsidy,” diin ng mambabatas.
“Habang hindi pa humuhupa ang oil price hike, pag-aralan sana ng DA ang posibilidad na makapagbigay ng isa pang round ng fuel subsidy bago matapos ang taon para maibsan ang pasanin ng ating mga magsasaka at mangingisda, at mabawasan kahit paano ang kanilang pangamba na wala silang panggastos lalo na kung may magkasakit sa pamilya.”
“Kapag nasuportahan natin ang ating mga kababayan, lalo na ang mga nasa vulnerable sectors, kapag natulungan natin ang mga magsasaka at mangingisda na mapaunlad ang kanilang kabuhayan at ang agrikultura, siguradong magiging Winner Tayo Lahat!”