DOBLE-KAMOT sa ulo ang kontraktor na si Sarah Discaya matapos kumpirmahin ng Department of Justice (DOJ) ang paghahain ng kasong tax evasion sa Court of Tax Appeals.
Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, apat na bilang ng kaso sa tax evasion ang isinampa laban kay Sarah nitong Pebrero 3, 2026.
Nakitaan aniya ng “prima facie evidence with certainty of conviction” si Sarah sa paglabag sa Sections 254 at 255 ng National Internal Revenue Code of 1997 matapos takpan ang kanilang totoong kita sa Income Tax Returns para sa taong 2020 at 2021.
Samantala, ipinagpaliban naman ang pagsasampa ng kaso laban sa asawa ni Discaya na si Curlee Discaya matapos maghain ng motion for reconsideration sa kinakaharap na tax evasion case.
Hirit ni Curlee, baliktarin ang resolusyon ng panel of prosecutors, hudyat para sa DOJ hingan ng paliwanag ng prosekusyon ang Bureau of Internal Revenue (BIR) para sa karagdagang dokumento at ebidensyang magiging batayan sa pagpapatuloy ng kaso sa Court of Tax Appeals. (JULIET PACOT)
