HABANG abala ang pamahalaan sa pagtugis kay Atong Ang kaugnay ng kaso ng tinaguriang missing sabungero, may isang dating amuyong ang kumakamada ng kwarta sa negosyong idineklarang ilegal ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang masaklap, nakasentro ang operasyon hindi kalayuan sa Palasyo ng Malacanang — sa lungsod ng Maynila na pinangangasiwaan ni Mayor Isko Moreno.
Sa impormasyong nakalap ng inyong lingkod, isang alyas Macmac ang nagpapatakbo ng e-sabong sa mismong baluarte ni Isko — sa Tondo, Maynila. Batang-Tondo si Mayor Isko kaya naman siguradong alam niya ang pasikot-sikot sa naturang distrito.
Tumbukin na natin para hindi na mahirapan ang bibong alkalde ng Maynila.
Sakaling nais ni Mayor Isko supilin ang kabulastugan ni Macmac sa lungsod na kanyang pinangangasiwaan, pwede niya sadyain ang Kalye Varona kung saan nakasentro ang e-sabong operation ni alyas Macmac.
Isang paalala kay Mayor Isko — kung resulta ang hanap niya, huwag sa pulis ipagkatiwala ang pagsalakay sa Kalye Varona.
Dangan naman kasi, usap-usapan sa Tondo ang lakas ng dating ni Macmac kay Manila Police District (MPD) director Brig. Gen. Arnold Abad. Katunayan, ilang sumbong na ang pinarating sa tanggapan ng heneral pero ang resulta — nganga!
Sumbong ng ating impormante, isang Rubic Songco ang sinasabing tagapaghatid ng biyaya kay Abad.
Pero gaano nga ba ka-bigtime si alyas Macmac na tila pati ang ibang law enforcement agencies tila ilag sa kanya?
Ayon sa ating Insider, may mga tigasing protektor si Macmac. Kaya ang resulta — non-stop ang pagpasok ng pera sa bulsa ni alyas Macmac.
Sa laki ng ganansya, tinalo pa ni Macmac ang online gambling platform ng isang nagngangalang Joseph Lumbad na higit na kilala bilang bata ni Atong Ang.
Sa isang banda, hindi naman pala madamot si Macmac. Katunayan, literal na nagpaulan ng pera ang damuho nito lamang nakaraang pista sa Tondo.
Pero sa totoo lang, tinga lang ang pinamudmod na pera ni Macmac na ayon sa ating mga Insider ay kumikita ng tatlo hanggang P87 milyon kada araw.
Ang tanong – kaya bang bilhin ni Macmac ang Maynila para gawing e-sabong capital ng bansa? Itanong natin kay NCRPO Director Major Gen. Anthony Aberin!
