PARA sa mga prominenteng kongresista sa Kamara, mas matimbang ang sentimiento ng mga mamamayan kumpara sa mga anila’y hangad lang siraan ang mga programa ng pamahalaan.
Sa isang joint statement, partikular na tinukuran nina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. (Pampanga 3rd District), Deputy Speaker David Suarez (Quezon 2nd District) at House Majority Leader Manuel Jose Dalipe (Zamboanga City 2nd District) ang resulta ng survey na pinangasiwaan ng OCTA Research Group.
Sa datos ng OCTA, lumalabas na 79% ng adult Filipinos ang may kaalaman sa Ayuda para sa Kapos ang Kita (AKAP) program, habang nasa 69% naman ang pabor na ituloy ang gobyerno ang programang nagbibigay ng direktang tulong sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Anang mga mambabatas, higit lalo pa dapat palakasin ng Kongreso ang anila’y pamamahagi ng tulong para solusyonan ang paghihirap ng nararanasan ng mga mamamayang lubos na nangangailangan ng kalinga ng pamahalaan.
“Alam namin marami sa ating mga kababayan ang labis na nahihirapan sa araw-araw at hindi sapat ang sahod at kita na natatanggap. Nagsalita na ang taumbayan. Nananawagan ako sa ating mga lider ng bansa, pakinggan natin sila. Kailangan natin gawing mas mabilis at episyente ang ating AKAP para tunay na maramdaman ng masa ang kalinga at malasakit,” wika ni Gonzales.
“Kailangan nating makinig nang mabuti sa hinaing ng ating mga kababayan. Sa nakaraang mga araw at buwan, nilalamon ng maruming pamumulitika ang kabutihang dulot ng direktang tulong para sa mga taong araw-araw na nakakaranas ng gutom at hirap. Kahit pa ganoon, datos na ang nagpapakita—siraan man nila ang AKAP, ramdam ng tao ang tunay na pakinabang nito,” paglalahad naman ni Suarez
“Ang survey na ito ay nagpapatunay na alam ng masa ang halaga ng ating programa. Imbes na paninira ang pinag-aaksayahan ng panahon, bakit hindi tayo magtulungan upang mapabilis ang pag-abot ng tulong? Ang bawat Pilipino ay karapat-dapat na makaramdam ng tunay na malasakit mula sa pamahalaan,” sambit ni Dalipe.
Ang OCTA Research survey na isinagawa mula January 25 hanggang January 31, 2025 ay mayroong 1,200 face-to-face interviews sa isang diverse group respondents mula sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao, na mayroong ±3% margin of error nationally at ±6% margin naman sa subnational estimates.
Anang mga prominenteng kongresista, ang datos na halaw sa survey ay nagbibigay ng malinaw na hudyat sa mga mambabatas na gumawa ng kaukulang aksyon.
Dagdag pa nila, mas magiging mahusay ang pagpapatupad ng AKAP sa pamamagitan ng aktibong pakikipag-ugnayan sa mga lokal na komunidad. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
