
PINAPLANTSA na ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng santambak na kasong kriminal laban sa mga pinaniniwalaang sangkot sa pagdukot at pagpatay sa mga nawawalang sabungero.
Ayon kay DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla, kabilang sa mga kasong niluluto ng ahensya ang kidnapping, murder, at paglabag sa Republic Act 9851 (Act Defining and Penalizing Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity).
“We’re rolling by the day, we’re looking at everything by the day. And at the same time may conference din yung ating lawyers about the cases that are being evaluated for filing. From kidnapping to international humanitarian law,” wika ni Remulla.
“These are considered probable cases that we will be filing together with the murder and other cases that have to be filed against the perpetrators,” dugtong pa ng Kalihim.
Sa paratang ng pangunahing saksi, meron din umanong Alpha, Bravo, Charlie, at Delta groups na sangkot sa operasyon ng e-sabong at nasa likod ng pagkawala at paglibing ng mga nawawalang sabungero sa Taal Lake.
Tinawag din ni Remulla ang naturang insidente bilang “corporate killings,” kasabay ng panawagan sa mga sangkot para lumantad at makipag tulungan habang patuloy ang imbestigasyon.
“Mabuting maaga pa lang, magsalita na sila. Kasi mahahanap din namin yan, makikita din namin yan. In the long run, the case is going to haunt all of them. This is a long, drawn out case, and the earlier they come in, the better.”