HINDI pinalampas ng mga prominenteng kongresista sa Kamara ang pinakabagong patutsada ni former President Rodrigo Duterte sa umano’y paglabas ng tunay na kulay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. – ang pagiging diktador tulad ng yumaong ama.
Para kay House Deputy Majority Leader Rep. Paolo Ortega V (La Union 1st District), mistulang “one-man fake news factory” – kung hindi man supremo ng mga fake news peddlers, ang dating pangulo ng bansa.
“So ewan ko, parang ano ba ang tawag mo dun… hari ng fake news, father faker? Father ng mga fake news, ganun? Mother faker? Di ko alam kung paano nyo, paano ang itatawag natin sa kanila. Father faker, mother faker o anong tawag sa mga anak nila? Fakerist. Parang ganun yung mga dating nila, parang mga super villains,” patutsada ni Ortega.
“I’m leaning towards that statement na parang factory sila ng fake news. Pati yung mga data nila, pati yung mga rally nila, parang talagang ano, parang literally factory ng fake news, kumbaga. Tapos pag hinold sila accountable ng tao kakambiyo naman sila na joke, joke lang daw yun,” dugtong ng kongresista.
Ayon kay Ortega, walang basehan ang panibagong banat ng dating pangulo, sampu ng kaalyado niya, patunay na patuloy lamang silang nagpapakalat na pekeng balita o impormasyon para sirain ang administrasyong Marcos.
Maging si House Assistant Majority Leader Rep. Zia Alonto Adiong (Lanao del Sur 1st District), sinaling ang banat ni Duterte kay Marcos.
“Diktador ba yung minumura ka? Ang tatay mo sinasabi kung ano-ano tatanggalin, i-exhume, tapos itatapon sa WPS, i-threaten ang buhay mo. I-threaten ang wife mo, i-threaten ang Speaker of the House, ang pinsan mo, tapos everytime nagkakaroon sila ng rally ang pinaka punto nila is sirain yung isang pagkatao. Hindi lang yung polisiya pero yung pagkatao ng isang indibidwal tulad ni PBBM,” giit ni Adiong.
Anang Mindanaoan lawmaker, makikita ang malaking pagrespeto ni Marcos sa separation of powers ng ehekutibo, lehislatura at hudikatura dahil hinahayaan niyang manaig ang mandato ng bawat sangay.
“He respects the separation of powers. He allows, he does not even want, maraming mga legal opinion na sinasabi, President you request the Senate to convene for an emergency session, he did not do that, because he respects the separation of powers. He allows all the agencies to work according to its mandates. That’s not an indication or that’s not even an attribute of a dictator, di ho ba?”
“Wala naman ho sa administrasyon nya na may nakaupong citizen na Chief Justice na na-quo warranto o kinasuhan. Wala ho sa administrasyon niya na may seating senador na kinasuhan at pinakulong,” dagdag ni Adiong.
Samantala, panibagong fake news na naman umano ang giit ni Duterte sa umano’y napipintong Martial Law.
“Yung pagdeklara ng martial law, fake news ulit. Hello, fake news, Mr. Fake News. Wag naman puro fake news na lang lumalabas sa bunganga nyo, palitan nyo naman,” bulalas ni Ortega.
Panawagan ni Adiong sa publiko, pagtuunan lamang ng pansin ang tunay na isyu at huwag magpadala sa political narratives para ilihis ang tunay na usapin — ang kinakaharap na impeachment charges at iba’t-ibang kasong kriminal ng mga Duterte. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
