
TULAD ng inaasahan, pormal nang isinampa sa International Criminal Court (ICC) ang santambak na asunto laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng pagpatay na kalakip ng kampanya kontra droga mula sa panahon ng panunungkulan bilang alkalde ng Davao City hanggang sa mahalal bilang presidente ng bansa.
Batay sa 15-pahinang dokumentong ibinahagi ng ICC, inirekomenda ng Deputy Prosecutor ang pagharap ni Duterte sa paglilitis sa mga kaso ng crimes against humanity.
Kabilang sa mga mga asuntong nakatakdang litisin ng ICC ang mga pagpaslang sa Davao City bilang Davao City mayor, pagpatay sa mga tinaguriang “high-value targets” sa panahon ng panunungkulan bilang pangulo.
Pasok din sa talaan ng kaso ang umano’y pagpaslang at tangkang pagpaslang sa mga Barangay Clearance Operations mula 2016 hanggang 2021.
Target ng taga-usig panagutin ang dating pangulo sa anila’y “common plan” na isinagawa ng mga grupo mula sa kapulisan, mga sibilyan, at ng Davao Death Squad.