
HINDI pa pwedeng bitbitin ng pamahalaan pabalik sa Pilipinas si dismissed Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves, ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla.
Ang dahilan – humirit ng panibagong apela sa Timor Leste Court ang sinibak na kongresistang dawit sa mahabang talaan ng patayan sa lalawigan ng Negros Oriental.
Gayunman, kumbinsido si Remulla na magkakaroon na ng linaw ang sa extradition request ng Pilipinas sa mga susunod na buwan.
“The appeal process in Timor-Leste seems to be endless. But, I was assured that we will get news very soon,” wika ni Remulla, kasabay ng pahayag sa planong paglipad papunta sa Timor-Leste para personal na pag-aasikaso sa extradition request na naglalayong ibalik sa Pilipinas ang puganteng former congressman.
“We just persist. We don’t stop. We will follow-up. And, if I have to come back there, I will go back to speak to the leadership of Timor-Leste,” aniya pa.
Nahaharap si Teves sa santambak na kasong kriminal, kabilang ang pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pa noong Marso 2023 – bukod pa sa tatlong iba pang itinumba noong 2019.