Ni ESTONG REYES
MULING kinalampag ni Senador Sen. Risa Hontiveros ang pamunuan ng Mataas na Kapulungan para sa agarang paglabas ng mandamiento de arresto laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy.
Ito at matapos ibasura ng pinamumunuang Senate committee on women, children, family relations and gender equality ang apela ng mga kapwa mambabatas na isantabi muna ang contempt order at pagbawi ng subpoena sa kontrobersyal ng religious leader.
Sa isang kalatas, hiniling ni Hontiveros kay Senate President Juan Miguel Zubiri na maglabas ng direktibang nag-uutos sa agarang pagdakip kay Quiboloy na makailang ulit na aniyang hindi sumipot sa pagdinig ng Senado kaugnay ng kabi-kabilang alegasyon ng panghahalay at human trafficking.
Ayon kay Hontiveros, tanging hudyat na lang ni Zubiri ang hinihintay para maisakatuparan ang pagdakip kay Quiboloy na pinaniniwalaang nagtatago sa Davao City.
Para sa militanteng senador, may kakayahan ang Senado na tiyakin ang kaligtasan ni Quiboloy habang nasa kanilang kustodiya.
Samantala, tiniyak naman ni Zubiri na ilalabas niya ang pasya kung ipadadampot si Quiboy, sa loob ng 24 oras.
