NANINDIGAN si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na may dokumentong magdidiin kina Senador Joel Villanueva at Jinggoy Estrada sa flood control scandal.
Rekomendasyon ni Lacson na tumatayong chairman ng senate blue ribbon committee sa Office of the Ombudsman, sampahan ng kaso ang dalawang senador.
Ayon kay Lacson, ang testimonya ni dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo sa komite ay napatotohanan ng mga alokasyon sa General Appropriations Act (GAA) at iba pang dokumento.
“Kay Senator Villanueva, yung humingi siya ng P1.5 billion para sa multi-purpose eh hindi naman nila kaya yung P1.5 billion so hindi nila sinabi kay Senador Villanueva, inuulit ko lang yung narration… naghanap sila ng flood control projects pero syempre mas malaki yung porsyento, 25 percent. So noong sinabi yung sa P625 million kapag kinompute mo yung 25 percent sakto doon sa perang dineliber. Ganun din kay Senator Estrada, P355 million pagkatapos may porsyento na yung naman nakalista,” paliwanag ni Lacson sa isang panayam sa radyo.
“Noong una pa nga dinefend ko si Senator Villanueva dahil hindi namin makita sa regular budget, hindi tulad kay Senator Estrada nakita namin yung P355 million worth of projects, different projects, anim o pitong projects na tumutugma sa P355 million na yung porsyento na sinasabi ni Bernardo eh tumugma naman doon sa sinabing binigay, dinala doon sa Artiaga building.”
Aniya, bukod tanging sina Villanueva at Estrada ang nakitaan ng ebidensya dahil ang ibang dinawit ni Bernardo, tulad nina Senador Mark Villar, dating Senador Grace Poe at Nancy Binay ay kulang sa dokumento.
“Yung iba walang ganun,” ani Lacson. “Walang validation, walang corroborative na dokumento.”
Una nang itinanggi na nina Villanueva at Estrada ang pagtanggap ng kickback sa mga proyekto. (ESTONG REYES)
