
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
BILANG pakikiisa sa hakbang ng administrasyong Marcos para sa ligtas at mabilis na pagpapalaya sa apat na Filipino seafarers na lulan ng MSC Aries na hinarang ng Iranian navy sa Strait of Hormuz kamakailan, pormal na nakipagpulong si House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman at KABAYAN partylist Rep. Ron Salo kay Iranian Ambassador Yousef Esmaeil Zadeh kamakailan.
Sa naturang dialogue, personal na umapela si Salo para tiyakin nasa mabuting kalagayan at agad na mapalaya ang mga Pinoy crewmen na nasa kustodiya ng Iranian authority..
Bilang tugon, tiniyak naman ni Ambassador Zadeh kay Salo na pinahahalagahan ng Iran ang katayuan ng mga marino, kasabay ng diin sa matatag na ugnayan sa pagitan ng mga mamamayan at gobyerno ng Pilipinas at Iran.
Dagdag pa ng Iranian Ambassador, ipinabatid na rin nila kina Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo at Undersecretary Eduardo de Vega ang katiyakan na nasa maayos na kalagayan ang mga Filipino crewmen, sa nauna nilang pagpupulong.
“I am grateful for the Iranian government’s assurance that our kababayans are being well-taken care of, with facilities established to allow them to contact their families,” tugon ni Salo.
“Repatriating our fellow countrymen is of paramount importance and requires a collective, whole-of-government effort. We, in the House of Representatives, are committed in reinforcing the initiatives already being undertaken by the Executive branch,” dagdag ng House panel head.
Ayon kay Salo, ipinabatid din ng Iranian envoy hinggil sa kooperasyon ng Portuguese shipowner sa Iranian government, lalo pa’t alinsunod sa kautusan ng Iranian court ang ang nasabing hakbang.
Gayunpaman, nanindigan ang kongresista sa bentahe ng diplomatic engagement para sa mabilis at patas na pagresolba sa usapin – bagay na sinagot ni Zadeh na nangakong aayusin ang gusit para agad na makabalik sa bansa ang mga naipit na Pinoy seafarers.