NAGPALABAS ng pahayag ang hanay ng mga pangunahing opisyales ng pinakamalaking partido sa buong bansa kaugnay ng panibagong pasabog laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa pinsan niyang si former House Speaker Martin Romualdez.
Sa isang kalatas, nagpahayag ng suporta ang Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) kay Marcos at Romualdez sa gitna ng mga bagong alegasyon at iba ang usapin patungkol sa umano’y budget insertions at flood-control scandal.
“Hindi kami matitinag—buong-buo ang suporta ng Lakas–CMD kay Pangulong Marcos, sa gawa at hindi lang sa salita.” saad sa isang bahagi ng pahayag ng Lakas-CMD.
Nagbabalala naman sa publiko ang mga matataas na opisyal ng naturang partido hinggil sa pagpupumilit ng ilan na ilihis ang imbestigasyon.
“Ang bayan ang talo kapag ang imbestigasyon ginawang drama. Hindi showbiz ang hustisya—hindi script ang katotohanan,” dagdag pa nila.
“Batas, ebidensya, at katotohanan—yan ang sandigan, hindi kwentong kutsero o pamumulitika. Malinaw mula simula: batas lang ang sinusunod ng Pangulo, hindi ang dikta ng sinuman. Walang ‘green light’ sa katiwalian mula kay PBBM—ang meron ay malinaw na utos na ‘follow the law,” anila pa.
Ang Lakas-CMD, sa ilalim ng pamumuno ni Romualdez ang kinikilalang “political powerhouse” sa bansa. Sa datos ng partido, nasa 109 mambabatas 15 gobernador at libo-libong local official ang miyembro ng naturang lapian
Giit ng Lakas-CMD, ang mga alegasyon na ginagawa sa labas ng pormal na pagdinig ay walang bigat lalo’t hindi naman umano pinanumpaan ang testimonya o dumaan man lang sa cross-examination, at documentary scrutiny.
“Statements issued outside sworn proceedings and without the safeguards of cross-examination and documentary validation cannot be treated as fact,” ayon pa sa partido.
“Hindi puwedeng chismis ang basehan ng hustisya. Kung seryoso ang paratang, ilahad sa tamang proseso—hindi sa entablado ng politika.”
Samantala, nanindigan din ang Lakas-CMD na ‘walang ebidensya laban kay dating Speaker Martin Romualdez.
“There has been no evidence whatsoever presented in any sworn or validated proceeding that links Rep. Romualdez to any wrongdoing.”
“Hindi showbiz ang imbestigasyon. Hindi ito entablado ng drama.” wika ng pamunuan ng Lakas-CMD.
“Hindi puwedeng haka-haka ang gawing hustisya. Hindi pwedeng ingay ang maging batayan ng katotohanan,” mariing pahayag din nila.
Ang nagkakaisang pahayag ay nilagdaan nina Rep. David “Jay-Jay” C. Suarez – (Executive Vice President), Rep. Jose “Joboy” S. Aquino II (Secretary General), Rep. Mauricio G. Domogan (CAR Regional Chair), Rep. Ramon N. Guico Jr. (Region I Regional Chair), Rep. Antonio T. Albano (Region II Regional Chair), Rep. Jefferson F. Khonghun (Region III Regional Chair), Rep. Adrian E. Salceda (Region V Regional Chair), Rep. Janette L. Garin (Region VI Regional Chair), Rep. Eduardo Roa Rama Jr. (Region VII Regional Chair), Rep. Maria Carmen S. Zamora (Region XI Regional Chair), Rep. Munir M. Arbison (Region IX Regional Chair), Rep. Jurdin Jesus M. Romualdo (Region X Regional Chair), Rep. Ma. Alana Samantha Taliño Santos (Region XII Regional Chair), Rep. Ziaur-Rahman Alonto Adiong (BARMM Regional Chair), Rep. Ernesto M. Dionisio Jr. (NCR Regional Chair), at Romualdez (Region VIII Regional Chair). (ROMER R. BUTUYAN)
